
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang Duterte administration sa naging hamon sa ekonomiya ng ng bansa matapos iulat ang Gross Domestic Product ay nakapagtala ng growth rate na 5.6% sa 2021 na lagpas sa target ng pamahalaan.
“Ang 5.6% GDP growth ng Pilipinas sa buong taon ang isa sa pinakamataas sa buong Southeast Asia, ayon sa datos. Inaasahan ng mga eksperto na 1-4% lang ang GDP growth ng mga bansa sa rehiyon dahil nga sa kasalukuyang pandemya,” ayon kay Go.
Sinabi ng senador sa huling bahagi ng nakaraang taon, nakapagtala ang pamahalaan ng 7.7% growth rate na mas malayon kung ikukumpara sa ibang bansa.
“Since day one ng pandemya, maingat na binabalanse ng gobyerno ang kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan natin. Kahit may krisis, sinisikap nating maging malakas at maunlad ang ekonomiya upang magkaroon muli ng trabaho ang mga nawalan at maiwasan ang gutom at hirap,” ani Go.
Paliwanag pa ng senador na ang malaking growth performance ng bansa ay dahil sa mas maraming neogosyo ang nagbukas mula matapos ang pananalasa ng COVID-19 pandemic.
Kasabay nito, nagbabala si Go na hindi malayong muling kumalat ang COVID-19 virus kung hindi mag-iingat ang publiko at dapat sumunod sa ipinatutupad na health protocosl.
“Maganda na sana ang direksyon ng ating recovery efforts kung hindi dumating itong Omicron at dumami muli ang bilang ng nagkakasakit. Pero marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat. Patuloy tayong maging disiplinado at mag-ingat. Huwag natin sayangin ang pinaghirapan natin noong nakaraang taon,” panawagan ni Go. “Kung mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng proteksyon gamit ang bakuna, mas kokonti ang bilang ng mga tinatamaan ng malubhang sakit. Posibleng mas luluwag pa ang mga patakaran para sumigla pa ang ating ekonomiya,” dagdag nito.
