
Ni NOEL ABUEL
Umapela si Senate President Vicente Sotto III sa mga kapwa nito kandidato na iwasang gamitin ang nangyayaring sigalot sa loob ng Commission on Elections (Comelec) para sa pulitika.
Ayon kay Sotto, na tumatakbong vice president candidate sa May 2022 elections, hindi dapat na gamitin ang poll body para sa political propaganda ng mga pulitiko na sasabak sa eleksyon.
“Nananawagan ako sa publiko, lalo na sa mga kapwa kong kandidato, na kung maaari sana ay iwasan nating gamitin ang ahensya sa ating pamumulitika. Let us not use the Comelec for political propaganda, and for grandstanding,” pahayag pa ni Sotto.
Giit pa nito, dapat na irespeto ang Comelec at hindi dapat isangkot sa magulong pulitika dahil sa isang independent body ito. “Sa lahat ng oras at pagkakataon ay kailangang mapanatili ng Comelec ang kanyang integridad sapagkat ito ang sandigan ng ating karapatang makapili ng mga lider na magpapatakbo sa ating bansa. It is the guardian of our right to suffrage. That is why I am calling on all parties to stop corrupting the poll body and the electoral system,” panawagan pa ni Sotto.
