Pagtatatag ng disaster-resilient communities iginiit ng kongresista

Rep. Ronnie Ong

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan ang isang kongresista sa pamahalaan na magtatag ng disaster-resilient communities sa buong bansa upang hindi na maulit muli ang pagkamatay at pagkawasak ng mga tahanan sa panahon ng kalamidad tulad ng tumama sa Visayas at Mindanao dahil sa bagyong Odette.

Ayon kay Ang Probinsyano party list Rep. Ronnie Ong, mahalaga na ngayon pa lamang ay dapat nang gumawa ang aksyon ang pamahalaan upang matulungan ang maraming pamilya na mailayo sa trahedya.

Sinabi pa ni Ong na dapat na makialam ang pamahalaan sa muling pagtatayo ng mga apektadong komunidad at siguraduhin na sila ay nasa labas ng panganib at ang kanilang mga bahay ay ligtas sa kapahamakan.

Nabatid na binisita ng kongresista ang lalawigan ng Bohol kasama ang artistang si Yassi Pressman at nakita hindi lamang ang pagkasira ng mga tahanan at ari-arian dahil sa bagyong Odette kung hindi maging ang oportunidad para sa pamahalaan na isaayos ang mga komunidad.

Namahagi si Ong at si Pressman, ng 30 water filter systems, saku-sakong bigas at tinapay at nagsagawa rin ng feeding programs sa libu-libong apektado ng nasabing kalamidad sa bayan ng Talibon, bayan ng Pilar, bayan ng Sevilla bayan ng Balilihan.

 “Kahapon nagdala po tayo ng tulong at saya sa mga bayan ng Talibon, Sevilla, Pilar at Balilihan sa Bohol. Salamat @repronnieong at @appartylist sa pagkakataon na isama po ako sa pag-iikot ninyo,” sabi ni Pressman sa kanyang Instagram post.

“Nakita po natin dito ang pinsalang dala ng #OdettePH sa mga kababayan natin, kaya sana po magtulungan po tayo para sa pagbangon ng mga kapamilya po natin na tinamaan ng Odette. Kapag sama-sama po tayo, kaya natin ito. Salamat po ulit #164APPartylist,” dagdag pa nito.

Leave a comment