
Ni MJ SULLIVAN
Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa lahat ng employers na ipagkaloob ang remier pay ng kanilang mga empleyado na magtatrabaho sa special non-working holidays sa darating na Pebrero ng kasalukuyang taon.
Sa inilabas na Labor Advisory No. 3, Series of 2022 ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ang mga manggagawang magtatrabaho sa Pebrero 1 o sa Chinese New Year at sa Pebrero 25 o sa EDSA People Power Revolution Anniversary ay dapat na mabigyan ng karagdagang 30 porsiyentong dagdag sa kanilang basic wage.
Sa ilalim ng Labor advisory ang mga manggagawang papasok ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsiyento sa kanilang sahod sa walong oras na trabaho o katumbas ng [(Basic wage x 130%) + COLA].
Habang ang mga magtatrabaho naman sa holidays na nabanggit na special working holiday kahit iyon ay nataon sa kanilang rest day ay dapat na mabigyan ng karagdagang 50 porsiyento sa unang walong oras ng kanilang trabaho o [(Basic wage x 150%) + COLA].
At para naman sa mag-o-overtime sa kanilang day off ay dapat ding mabigyan ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang hourly rate.
Para namans a mga manggagawang hindi papasok sa trabaho, ipapatupad ang “no work, no pay” principle kung walang ipinatutupad na sariling panuntunan o polisiya ang kumpanya.
