Sen. Lacson sa Comelec: Mas mahigpit na pagbabantay sa hacking

Ni NOEL ABUEL

Habang papalapit na eleksyon sa Mayo ay dapat na  mas mahigpit na pagbabantay ang gawin ng Commission on Elections (Comelec) sa posibleng unauthorized access sa kanilang mga datos sa kabila ng pahayag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na hindi na-hack ang kanilang servers kamakailan.

Ayon kay Partido Reporma standard bearer at Senador Ping Lacson, napag-alaman ng kanyang cybersecurity team sa kanilang initial findings na posibleng extortion ang motibo ng pag-atake ngunit posible na makompromiso ang integridad ng eleksyon sa Mayo kung hindi maglalagay ng karagdagang pag-iingat ang Comelec.

Pinaniniwalaang nakompromiso ang seguridad ng sistema ng Smartmatic na tumatayong contractor ng Comelec para sa nalalapit na halalan.

“Darating ang panahon na mag-interface ‘yan. Pag nag-interface, maaaring ma-compromise din ang Comelec. ‘Yan ang nakakatakot,” ani Lacson.

Pagbabahagi ni Lacson, nalaman ng kanyang technical team na na-hack ang systems ng Smartmatic na posibleng extortion ang kanilang motibo ngunit hindi naman aniya ito kasimple.

Pinag-aaralan na ngayon ng kampo ni Lacson kung hanggang saan ang na-hack sa sistema ng Smartmatic.

Dagdag pa ng presidential aspirant, maraming kailangang ipaliwanang si CICC Undersecretary Cezar Mancao II hinggil sa isyung ito.

“Dapat lang talaga ipaliwanag lahat. Integridad ng eleksyon ang nakataya rito. What if may isang kandidato na doon ibinenta kung anong nahawakan ng sindikato? Hindi ba napakadelikado?” giit ni Lacson.

Leave a comment