Wanted na South Korean arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean fugitive na wanted sa bansa nito kaugnay ng telephone fraud na ang biktima ay pawang mga kababayan nito.

Sa ulat na ipinadala ni fugitive search unit (FSU) chief Rendel Ryan Sy kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ang nadakip na dayuhan na si Yi Younggwi, 43-anyos, sa pinagtataguan nito sa North Dasma Garden Villas sa kahabaaan ng Molino-Paliparan Rd. sa Dasmarinas City, Cavite.

Nabatid na armado ng warrant of deportation na inilabas ng BI laban kay Yi base sa summary deportation order na inilabas laban dito noong 2019 dahil sa pagiging undesirable alien.

“He has been on our wanted list for nearly three years but the long arm of the law finally caught him.  Let this serve as another warning to wanted foreign criminals that the Philippines is not a sanctuary for fugitives,” sabi ni Morente.

Iniutos na ni Morente na agad na isaayos ang dokumento para sa pagpapatapon pabalik ng Sokor ang dayuhan upang harapin ang kaso nito.

Nabatid na ang nasabing dayuhan ay napaloob sa red notice ng Intepol noong Abril 2018 o tatlong buwan matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Daegu district court laban dito.

Leave a comment