
Ni NOEL ABUEL
Inilunsad ng malalaking political bigwigs ang “Sara para sa Barangay” upang ilapit sa mamamayan ang mga programs of government ni Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte at ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr..
Pinangunahan nina Vice-Governor Maricar Zamora, Rep. Manuel “Way Kurat” Zamora, Davao de Oro Gov. Jayvee Tyron L. Uy, mga alkalde, board members, councilors at iba pang community leaders ang nagpakilala sa nasabing konsepto kung saan si Duterte ang itinuturing na kampiyon sa barangay level partikular ang usapin sa edukasyon, kalusugan, trabaho at negosyo.
“Mayor Sara will champion the interest of grassroots folk in this historic initiative,” sabi ni Maricar Zamora, ng regional party Hugpong ng Pagbabago (HNP).
Pinasalamatan naman ni Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Prospero “Butch” Pichay, Jr., ang Lakas-CMD secretary general, ang mga nasabing lokal na opisyal at organizers ng nasabing programa na sumusuporta sa kandidatura ni Duterte, ang Lakas-CMD party chairperson.
“This is a very impressive event today (Monday) and I am very proud that I am part of this history. Today we are launching the Sara for the Barangays, may legacy na kasi ang kanyang ama at marami nang naging programa sa barangays na atin na lamang i-strengthen. We have so many programs in the government that need barangays as partners,” saad ni Pichay.
“Nandiyan ang malaking puso ni Mayor Sara para sa barangays, hindi lamang sa mayor, gobernador, at bise-gobernador. Kung ano ang problema sa mga barangay, kinailangang bigyan ng malaking tulong at gagawin iyan ni Mayor Sara,” dagdag nito.
“We want to inform the people in barangays, including its officials that Mayor Sara and BBM have good and better programs for them,” ayon pa kay Pichay.
Idineklara ng mga local government units ang suporta para sa vice presidential bid ni Duterte at ng UniTeam Alliance sa pangunguna ni Marcos.
“We are happy na dito sa probinsiya namin ginawa ang launching ng Sara for the Barangays. As part of Davao region, gusto naming ipakita sa mga probinsiya ng Pilipinas na ang aming suporta sa kanya ay very strong,” ayon pa kay Zamora.
Sinabi naman ni Way Kurat Zamora, ang provincial chairman ng Lakas-CMD na tinitiyak nito ang panalo ni Duterte at Marcos dahil sa solid ang nasabing mga probinsya sa kandidatura ng mga ito.
“Malakas talaga si Sara, malayong-malayo sa ibang mga kandidato. Sure winner talaga. Malakas rin si BBM, talagang solid ang probinsiya sa BBM-Sara. Very confident kaming mananalo sila,” sabi ni Zamora.
Ayon naman kay Uy, hiniling nito ang suporta ng kanyang nasasakupan para magwagi ang tamabalan nina Marcos at Duterte.
“Kung ang susunod na presidente ay kakampi ni Mayor Sara, madali lang nating malalapitan, sigurado ang ating probinsiya na marami pa tayong magagawa. Kailangan ni (Mayor Sara) ang isang presidente na makakasama niya sa pagsusulong ng isang maunlad na bansa, iyan si Bongbong Marcos,” sabi pa ni Uy.
