
Ni NOEL ABUEL
Inilatag ni Aksyon Demokratiko presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang 10 haligi ng kaniyang Bilis Kilos Economic Action Agenda na siyang magsisilbing gabay ng kaniyang administrasyon para mabilis na maisulong ang pag-unlad ng tao at ekonomiya kung siya ay palarin at manalong presidente sa 2022 .
Sa ginanap na pulong balitaan, kabilang sa ipinagmalaki ni Moreno ang Pabahay, Edukasyon, Paggawa at Trabaho, Kalusugan, Turismo, Inprastruktura, Digital Transformation at Industry 4.0, Agrikultura, Good Governance, at Smart Governance.
Aniya sa ilalim ng Moreno presidency, ilalaan ng pamahalaan ang 1.3 porsyento ng gross domestic product (GDP) para sa pabahay kada taon sa layuning makagawa ng 1 milyong disaster-resilient na bahay sa loob ng anim na taon para sa tinatayang 4.5 milyong iskwater sa bansa kung saan 3 milyon ang nasa Metro Manila.
At ang mga trabaho kasama na dito ang pagpapatayo ng “vertical housing” sa mga siyudad na malapit sa tulad ng Tondominium, Binondominium at Basecommunity pagsasabatas ng matagal nang nakabinbin na National Land use Act para lalong mapabilis ang pagtugon sa kakulangan sa pabahay.
Habang sa larangan ng edukasyon, sisiguruhin aniya ng Bilis Kilos Agenda ang mga kabataan ngayon ay may sapat na kaalaman, kakayahan at kahandaan para sa lumalaganap na automasyon at digitalisasyon ng mga planta at industriya, o ang sinasabing Industry 4.0.
At upang masiguro ito, itataas ni Moreno ang budget ng Edukasyon mula sa kasalukuyang 3.17 porsyento ng budget-to-GDP ratio sa 4.3 porsyento, palalawigin ang pagsulong ng kalidad na edukasyon para sa lahat ng bata, at isusulong ang STEM (science, technology, engineering and mathematics) sa eskwelahan. Tuloy-tuloy ang training para sa mga public school teachers.
Dahil kalahati ng mga kasalukuyang gawain ay pwede nang ma-automate, layon din ng pamahalaang Moreno na rebisahin ang mga kurso sa technical at vocational programs upang masiguro na ang mga manggagawang Pilipino ay handa rin sa mga trabahong mauuso sa Industry 4.0.
Sa ilalim ng Bilis Kilos ni Moreno, ang gobyerno ang magiging pangunahing tagapagsulong sa paglikha ng bagong trabaho at oportunidad sa pamamagitan ng pagbigay ng iba’t ibang suporta at insentibo sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na bumubuo sa mahigit 95 porsyento ng negosyo sa Pilipinas, Patuloy ang pagbibigay ng ayuda (cash assistance) sa mga pamilyang Pilipino na apektado ng Covid 19 pandemic.
Ayon kay Moreno, kasama dito ang paglalaan ng dagdag pautang sa mga MSMEs mula sa kasalukuyang P1.5 bilyon sa P30 bilyon, at gawing mas lalong simple ang mga proseso sa pagnenegosyo.
Aniya, magsasagawa rin ang pamahalaan ng sapat na training. workshop at retooling programs para sa ating mga OFWs para matulungan silang makahanap ng mas magandang trabaho at oportunidad.
Habang aayusin din ni Moreno ang health care system ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapatayo ng karagdagang pampublikong ospital at health care centers sa buong bansa. Isa sa layunin nito ang makagawa ng karagdagang 107,000 hospital beds sa unang 1,000 araw ng kaniyang panunungkulan. Magtatalaga ng mga financial experts para mapabuti ang pagpapatakbo ng Philippine Insurance Health Corp.
Hangad din ni Moreno na magkaroon ng isang duktor sa bawat 1,000 Pilipino, na nakakalat ng patas sa buong bansa, sa pamamagitan ng pagbigay ng scholarship sa 1,000 medical students kada taon. Itataas din aniya ang sweldo ng mga nurses at iba pang manggagawang pangkalusugan.
Maliban sa pagtatayo ng mga ospital, eskwelahan, pabahay, mga daan at tulay, kasama rin sa pinabilis na infrastructure program ni Moreno ang pagpapatayo ng mga planta ng kuryente, maging conventional o renewable, upang siguruhin na ang Pilipinas ay may sapat at matatag na suplay ng kuryente para palaguin ang ekonomiya at makahikayat ng foreign investors, na siya namang magbibigay ng karagdagang trabaho.
