
Ni NOEL ABUEL
Makatitiyak ang mga healthcare workers na matatanggap ng mga ito ang kabilang COVID-19 benefits and allowances habang nasa state of national public health emergency ang bans.
Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara, ang sponsor at co-author ng Senate Bill 2421 na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado kung saan sinabi nito na wala nang sagabal sa pamamahagi ng benepisyo sa mga HCWs.
Ang nasabing panukala ay inihain ni Angara at Senador Richard Gordon bilang tugon sa panawagan ng Department of Health (DOH) para maipagpatuloy ang pamamahagi ng benepisyo sa mga HCWs sa ilalim ng nalusaw nang Bayanihan laws.
“While it was clear to the proponents of the Bayanihan laws in Congress that the grant of benefits to our health workers should continue for as long as the state of national emergency declared by the President is in place, the expiry of those laws became a cause of delay for the delivery of those benefits and this is what SB 2421 aims to address,” sabi ni Angara.
Ipinaliwanag pa ni Angara na sa sandaling maging batas ang panukala ay matatanggap ng mga HCWs ang benepisyo hanggang matapos ang 2022 at nasa state of national public health emergency sa bansa.
“Patuloy ang banta ng COVID-19 sa ating mga health workers. Libu-libo sa kanila ang nagkakasakit at marami pa rin ang namamatay. Itong panukalang batas na ito ay pagkilala sa kanilang kagitingan at sa kanilang mga sakripisyo para sa bayan,” ayon pa kay Angara.
Sa ilalim ng SB 2421, lahat ng public at private health workers kahit ano pa ang employment status ay makakatanggap ng buwanang COVID-19 Risk Allowance base sa mga sumusunod na kategorya: P3,000 sa “low risk” areas; P6,000 sa “medium risk” areas; at P9,000 sa “high risk” areas.
Ipinaliwanag pa ni Angara na ang HCWs ay matatanggap ang full amount kung makakapasok ang mga ito sa trabaho sa loob ng 96-oras kada buwan.
Maliban pa sa buwanang allowances, nakapaloob din sa panukala ang kompensasyon sa mga HCWs na tatamaan ng COVID-19 habang nasa trabaho na makakatanggap ng P15,000 para sa mild o moderate cases; P100,000 sa mga severe o critical cases; at P1 milyon sakaling pumanaw.
“We thank our colleagues who gave their full support to this measure, particularly our co-authors Sens. Richard Gordon, Imee Marcos, Nancy Binay, Risa Hontiveros, Joel Villanueva, Majority Leader Migz Zubiri, Bong Go, Ronald Dela Rosa, Kiko Pangilinan, Win Gatchalian, Francis Tolentino, Grace Poe, Cynthia Villar, Pia Cayetano, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon, and Senate President Vicente Sotto III,” sabi ni Angara.
