
Ni NOEL ABUEL
Nagpasalamat si Marino party list Rep. Sandro Gonzalez kay House Speaker Lord Allan Velasco at mga kapwa nito mambabatas dahil sa pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang motorcycles-for-hire bill.
Sa ilalim ng House Bill 10571, ire-regulate ang operasyon ng motorcycles-for-hire na isa sa mahalagang panukala ng Kamara ngayong 18th Congress.
“Ang approval ng Kongreso sa third and final reading ng HB 10571 ay pagpapakita ng malasakit ng gobyerno sa ating mga motorcycle rider and operator na nagsisilbi sa ating mamamayan sa gitna ng pandemya kung saan ang mga traditional na public transportation tulad ng jeepney at bus ay may panahong totally huminto sa pagpapasada o nalimitahan ang byahe bilang paraan para mapigil ang paghahawaan ng COVID-19,” sabi ni Gonzalez.
Pinasalamatan din nito ang mga motorcycle groups na tumulong para mapadali at mapabuti ang operasyon ng mga motorcycles-for-hire.
Sa sandali aniyang maging batas, magbebenepisyo rin dito ang mga habal-habal sa rural areas dahili sa magkakaroon ito ng pantay na oportunidad sa pagsasanay at seminar na ibinibigay sa mga drivers o riders ng motorcycles-for-hire.
Sa ilalim din ng HBN 10571, ang mga motorcycles-for-hire ay irerehistro sa Land Transportation Office (LTO).
“The training program is also available to drivers or riders of the habal-habal. The measure recognizes the importance and the remarkable contributions of habal-habal in trying times like the pandemic,” sabi ni Gonzalez.
“There are other salient points in the bill that promote the safety and protection of riders and their passengers,” dagdag nito.
