Allowance ng HCWs hanapan ng pondo, ayon kay Senador Bong Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Pinatitiyak ni Senador  Christopher “Bong” Go  sa pamahalaan na nagtutulungan ang Executive Department partikular ang Department of Health (DOH) at ng government finance managers upang matiyak na may sapat na pondo para sa pagpapatupad ng buwanang COVID-19 Risk Allowance sa lahat ng private at public healthcare workers.

“Bilang pagkilala naman sa kanilang sakripisyo sa gitna ng pandemya, inaprubahan natin ang Senate Bill No. 2421 na magbibigay ng monthly COVID-19 Risk Allowance sa lahat ng private and public healthcare workers na patuloy na nagseserbisyo sa kabila ng banta ng virus,” sabi nito.

Aniya, ipinasa ng Senado ang Senate Bill No. 2421 o ang COVID-19 Benefits and Allowances for Health Workers Act of 2021 sa ikatlo at huling pagbasa para mabigyan ng karagdagang financial support ang mga healthcare workers (HCWs) dahil sa mahalagang tungkulin ng mga ito sa pagharap sa pandemya.

“Hangga’t kaya ng gobyerno, ibigay dapat ang mga benepisyong nararapat para sa ating mga HCWs. Kaya mahalagang mapaghandaan at mapag-aralan ito nang mabuti upang maimplementa ng maayos,” sabi ni Go.

Samantala, nanawagan din ang senador sa mga Filipino na panatilihin ang bayanihan ngayong panahon ng pandemya sa tulong ng Senado para maproteksyunan ang taumbayan.

“Sa halos dalawang taon ng pandemyang dala ng COVID-19, marami po tayong nakitang aspeto ng ating sistema na dapat mabigyan ng pansin tulad na lamang sa serbisyong medikal at pasilidad para sa mga mahihirap at malalayong komunidad,” ayon pa sa senador.

Leave a comment