Magrekamo kayo sa Senado — Senate President Vicente Sotto III

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senate President Vicente Sotto III na kung may reklamo laban sa isang miyembro ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na sinasabing nakialam sa disqualification case laban kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos ay dapat na magkain ng reklamo sa Senate Committee on Ethics .

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Sotto na  hindi naman maaaring magsagawa ng moto propio ang Senado kung wala namang direktang kinalaman sa sinasabing pakikialam ng isang miyembro nito sa nasabing usapin.

“Sa akin naman kasi kung mayroon reklamo sa isang senador, e di mag-file sila ng complaint sa akin at ako’y ire-refer ko ito sa Committee on Ethics. Kung wala naman, hindi naman pwedeng motu proprio kung ika’y walang direct knowledge doon sa violation doon sa ginagawa nu’ng senador,” paliwanag pa ni Sotto.

Aniya pa, dapat hayaan na lamang na si dating Commissioner Rowena Guanzon ang magsabi kung sino ang tinutukoy nitong senador na nakialam sa kaso ni Marcos.

“Ang nangyari kasi mayroon siyang binanggit sa media at sinabi niya sa interview na mayroong involved na senador. Ang ginawa ko tinext ko siya at lumabas nga ‘yung text ko sa media, sabi ko, you have to  names dahil we will all be suspect, sabi ko sa kanya. So binalikan naman niya ako ng text, ang sabi niya sa akin, hindi ikaw. Eh alam kong hindi ako sabi ko sa kanya,” paliwanag pa ng lider ng Senado.

Pagbibiro pa ni Sotto, noong nakaraang araw habang nasa sesyon ay kinausap nito sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senador Ronald Dela Rosa at Senador Christopher “Bong” Go dahil lumabas sa mga ulat na isang taga-Mindanao ang sinasabing nakialam sa kaso ni Marcos.

“Ayun nga, ayun nga ang biruan namin doon sa Senado nu’ng isang araw eh. Kinausap ni Migz Zubiri si Senator Dela Rosa at tsaka si Senator Bong Go, pareho naman silang pumasok nu’ng araw na iyon. Eh sinisita ko sila habang ako’y nasa taas,. Sinisita ko silang tatlo, ano ‘yung pinag-uusapan ninyo diyan sabi ko, bakit hindi ninyo kami isali, bakit nagbubulungan kayo diyan,” ayon pa kay Sotto.

Leave a comment