
Ni NOEL ABUEL
Muling binuhay ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang panawagan nitong ibasura ang Vaporized Nicotine Products Regulation Act o may kilalang Vape Bill.
Ayon kay Cayetano, dapat na unahin ng pamahalaan ang pangangalaga sa kalusugan ng taumbayan at hindi lalong idiin sa masamang bisyo.
“Ang responsibilidad naman talaga ng gobyerno is to do good and prevent evil. Basta may possibility ng addiction, mapa-alak man ‘yan, sugal ‘yan o sigarilyo, dapat nire-regulate ‘yan ng gobyerno,” giit nito.
Kinuwestiyon ni Cayetano ang paniniwala ng ilan na ang vape at e-cigarettes ay makakatulong sa pagkakalulong sa paggamit ng sigarilyo.
“Ang problema, kung ayun lang ang argument, bakit ‘yung edad na 21, ibinaba nila sa 18?” tanong ni Cayetano.
“So ibig sabihin, tina-target ng mga kumpanyang na gusto tayong maadik sa sigarilyo at nicotine ‘yung mga bata. New wave o generation ito ng mga nicotine users,” dagdag nito.
Sinabi pa ng kongresista na malaking kalokohan na mula 21-anyos ay ginawa pang 18-anyos ang minimum age restriction sa pagbili ng vape products na lalong may negatibong epekto sa mga kabataan.
Idinagdag pa ni Cayetano na base sa mga pag-aaral, ang epekto ng nicotine sa mga kabataan at young adults ay magdudulot ng malalang sakit sa ulo o brain development.
Giit pa nito na hindi dapat pumayag ang pamahalaan sa vape at e-cigarettes sa kadahilanang malaking gastos ang rehabilitasyon at pag-recover sa epekto nito.
Inihalimbawa pa nito na maging ang nasa 59 na medical associations sa bansa ang umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang nasabing panukalang batas.
Binatikos din ni Cayetano ang nakapaloob sa probisyon ng panukala na ilipat ang regulasyon Sa vaporized nicotine products mula sa Food and Drugs Administration (FDA) patungo sa Department of Trade and Industry (DTI).
“Yun nga lang nilalagay sa ilong na COVID antigen tests e pinapa-approve pa sa FDA, tapos sisinghot tayo ng mga vape na ang mag-a-approve ay ang DTI. Sa America, more than 10,000 ang pinagbawal na vape flavors, so dapat FDA ang mag-regulate niyan,” giit pa ni Cayetano.
