
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na malaking papel ang gagampanan ng National ID system sa pagsugpo sa cybercrime sa ilalim ng pamumuno nito sakaling mahalal bilang Pangulo sa Mayo 2022.
Ayon kay Lacson na standard-bearer ng Partido Reporma, magiging bahagi ito ng kanyang “holistic” na hakbang kung saan sangkot ang “people,” “processes” at “technology.”
“Napakamabisa nito hindi lang sa pagtugon sa tutulungan ng national government sa ayuda, pero ito rin ang magbibigay ng ngipin sa law enforcement para ating seguridad, pati nahagip ng cybercrimes mahuhuli,” ani Lacson sa naganap na KBP presidential candidates forum nitong Biyernes.
Sa ilalim ng National ID law, lahat ng Pilipino ay magkakaroon ng PhilSys number na gagamitin sa pakikipagtransaksyon sa gobyerno at pribadong sektor.
Giit pa ni Lacson, na may akda at sponsor ng naturang batas sa Senado, kailangan na pabilisin ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagpapatupad ng National ID law.
“Sayang ang batas kung hindi ma-implement nang maayos,” ani Lacson.
Bukod pa rito, sinabi rin ng presidential aspirant na kailangang magkaroon ng kaakibat na training sa law enforcement agencies para matukoy at mahuli ang mga sangkot sa online crimes at pagkakaroon ng edukasyon sa mga ordinaryong Filipino hinggil sa mga krimen na nagkalat sa internet.
Dagdag pa nito, dapat na magkaroon ng pagtutok sa mga proseso, pag-review sa mga parusa laban sa cybercrimes at lagyan ng pangil ang batas.
Sinabi rin ni Lacson na kailangan na magkaroon ng makatotohanang National Cybersecurity Strategy para maipatupad ito.
Binigyang diin din muli ni Lacson ang pangangailangan na taasan ang pondo para sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) para ma-regulate at sapat na matutukan ang mga ICT projects sa bansa.
