
Ni NOEL ABUEL
Tinitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangako na suportahan nito ang sektor ng agrikultura ng bansa kasunod ng pagpasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang palakasin ang sistemang pinansyal para sa agrikultura, pangisdaan, at pag-unlad ng kanayunan sa bansa.
Binigyang diin ni Go ang kahalagahan ng pagsuporta sa sektor ng agrikultura at pangingisda ng Pilipinas, at binanggit na ang seguridad sa pagkain ay isang mahalagang bahagi ng pambansang seguridad ng bansa.
“Napakahalaga na suportahan natin ang ating mga magsasaka at mangingisda. Upang matiyak na ang mga nasa kanayunan ay may pantay na prospect para sa pag-unlad, dapat nating patuloy na palakasin ang mga sistema at imprastraktura ng suporta sa agrikultura,” sabi ni Go.
Aniya, ang sektor ng agrikultura ng bansa ay nangangailangan ng suporta mula sa gobyerno ngayon higit kailanman, lalo na sa epekto ng COVID-19 pandemic at kamakailang mga natural na kalamidad na tumama sa bansa.
“Lalo na sa panahon ngayon na apektado ng krisis ang ating ekonomiya, ‘back to basics’ tayo. Nakita natin kung gaano kahalaga ang agrikultura sa ating bansa at kabuhayan. Mabilis pong maibabalik ang sigla ng ating ekonomiya kung palalakasin natin ang sektor ng agrikultura sa mga probinsya,” sabi pa ni Go.
“Kaya suportahan po natin ang mga magsasaka at mangingisda. Tulungan natin silang malampasan ang paghihirap na dulot ng pandemya dahil ang sektor na ito ang bubuhay sa ating bansa pagkatapos ng krisis na ito,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1924, o ang Rural Agricultural and Fisheries Financing Enhancement Act, tutulungan ang mga nasa agriculture, fisheries at rural development sa pamamagitan ng financing system upang mapabuti ang productivity, income, competitiveness at kaligtasan ng mga rural community beneficiaries tulad ng mga magsasaka at mangingisda gayundin ang mga kooperatiba, organisasyon at asosasyon.
“Suportahan po natin ang ating mga magsasaka at mangingisda. Tulungan natin silang malampasan ang paghihirap na dulot ng pandemya dahil ang sektor na ito ang bubuhay sa ating bansa pagkatapos ng krisis na ito,” giit pa ni Go.
