1K labor workers sa Eastern Visayas tumanggap ng money claims

Ni NERIO AGUAS

Iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mahigit 1,000 manggagawa sa Eastern Visayas ang nakatanggap na ng money claims na nagkakahalaga ng P15.6 milyon matapos ang matagumpay na pagresolba sa mga usapin sa paggawa, sa pamamagitan ng programang Single Entry Approach (SEnA) ng labor department.

Sa ulat mula sa regional office ng  labor department sa Eastern Visayas, may 82 porsiyento ng kabuuang 812 request for assistance (RFA) na inihain noong nakaraang taon ang maayos na naresolba sa ilalim ng programang SeNA.

Nabatid na ang SEnA ay isang administratibong pamamaraan ng pagbibigay nang mabilis, walang kinikilingan, mura at madaling paraan ng pag-aayos ng lahat ng mga usapin sa paggawa upang maiwasang ang mga ito ay maging ganap na kaso sa paggawa.

Sa kabuuang 812 RFA na natanggap noong nakaraang taon, 665 ang ganap nang naayos kung saan nabigyan ang rehiyon ng 82% settlement rate, mas mataas kumpara sa itinakdang target na 70%.

Ang natitirang 147 RFA ay maaaring binawi ng mga humihiling na partido, isinangguni sa National Labor Relations Commission (NLRC), o isinangguni sa iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Kadalasan sa mga tinanggap na RFA noong 2021 ay reklamo sa kakulangan ng pagbabayad ng sahod, hindi pagbibigay ng 13th month-pay, holiday pay, at iba pa.

Pinuri ni DOLE Regional Office 8 Director Henry John S. Jalbuena ang pagsusumikap ng lahat ng Single Entry Assistance Desk Officers o SEADO mula sa iba’t ibang field offices para sa kanilang pagpupunyagi na lutasin ang mga usapin sa paggawa sa pamamagitan ng maayos na pamamaraan.

“Nais kong pasalamatan ang lahat ng ating SEADO dahil kanilang isinapuso ang iba’t ibang programa ng kagawaran partikular ang programang SEnA,” pahayag ni Jalbuena.

Leave a comment