
NI NEILL ANTONIO
Inatasan ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Bureau of Customs (BOC) na paigtingin ang kani-kanilang tanggapan laban sa hacking at iba pang uri ng cyber threats dahil sa dumaraming bilang na nabibiktima ng online scam.
“Please make sure that your cybersecurity measures are up to date and effective against all sorts of threats,” sabi ni Dominguez sa nakalipas na Department of Finance (DOF) Executive Committee (Execom) meeting.
Inalala ni Dominguez ang nakaraang hacking incident na kinasasangkutan ng BDO Unibank at ng Union Bank of the Philippines (UnionBank) at ang reklamo ng ilang nabiktimang mga public school teachers na nawalan ng malaking halaga ng pera sa kanilang bank accounts Sa Land Bank of the Philippines (LandBank).
Ayon pa kay Domingo, patunay ito na dumarami ang bilang ng cyber attacks sa bansa dahil sa maraming Filipino na ang gumagamit ng online transactions upang makaiwa sa face-to-face interactions dahil sa pandemya.
Nagpaliwanag naman ang LandBank at sinabing ligtas ang banking systems nito mula sa hacking, at base sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa nito ay nabiktima ang mga guro dahil sa phishing.
Sinabi naman ni Finance Undersecretary Antonette Tionko, pinuno ng Revenue Operations Group (ROG) ng DOF at tumitingin sa BOC at BIR, na ang cybersecurity ay nakapaloob sa digitalization at modernisasyon ng dalawang ahensya ng pamahalaan.
“Please make sure that that’s up to date because apparently, it’s getting more and more prevalent,” sabi ni Dominguez kay Tionko.
