
Ni NOEL ABUEL
Ikinagalit ni Senador Imee Marcos ang inilabas na memorandum ng Department of Health (DOH) kung saan may otorisasyon ang gobyerno na isnabin ang paghingi ng permiso sa mga magulang kung mismong mga bata ang gustong magpabakuna.
“Hindi pwedeng agawin ng gobyerno ang parental authority. May karapatan ang mga magulang na magpasya sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga anak,” giit ni Marcos.
Inilabas ng DOH ang kontrobersyal na memorandum noong Enero 24, na nagsasabing pwedeng umaktong magulang ang gobyerno kapag ginustong magpabakuna ng isang bata kahit hindi ito pinayagan ng kanyang mga magulang.
Isinasaad sa Pahina 6 ng Annex A ng memorandum na kapag hindi pinayagan ng magulang o tagapag-alaga na magpabakuna ang isang bata kahit gusto nito, o kaya kapag walang legal na otorisasyon ang isang tao na umaktong magulang sa isang bata, ang estado ang pwedeng tumayong magulang at payagan itong magpabakuna.
Dagdag pa ng memorandum na ang mga opisyal na kumakatawan sa estado bilang kanilang magulang ay pwedeng pumirma sa consent form, gaya ng mga taga-DSWD sa lungsod o munisipyo.
“Maraming dapat ipaliwanag ang DOH. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakagawa ito ng mabigat na kasalanan sa publiko,” tanda pa ni Marcos.
Noong Marso ng nakaraang taon, ibinulgar ng senador ang isang administrative order ng DOH na humaharang sa mga manufacturer ng mga ‘sin products’ sa pagbili ng mga bakuna sa harap ng kapos na supply sa bansa.
Matatandaan na inanunsyo noong Disyembre ang pagbili ng 15 million doses ng Pfizer vaccine para bakunahan ang lima hanggang 11 taong gulang ngunit dahil sa aberya sa pag-angkat ipinagpaliban ng DOH ang pagsisimula ng pagbabakuna sa mga bata para sa Lunes.
“Umaasa tayong itinutulak na mabakunahan ang mga bata para sa kanilang kapakanan at hindi para isalba ang naunang nabiling bakuna ng pamahalaan,” ani Marcos.
Sa harap nito, nanawagan ang senador na bigyang atensyon ang pahayag ng World Health Organization (WHO) sa iba’t ibang bansa na unahin munang makamit ang mataas na lebel ng pagbabakuna sa mga grupong nasa high-risk bago simulang bakunahan ang mga batang edad lima hanggang 17.
“Iprayoridad natin ang mga matatanda at huwag nating kaligtaang kumpletuhin ang bakuna ng mga grupong mas banta sa virus, bago magmadaling bakunahan ang mas malulusog na mga bata,” dagdag pa ni Marcos.
