Eco-friendly campaign ilulunsad ni Rep. Cayetano

No posters at ibang campaign material ipatutupad

Senatorial candidate at dating House Speaker Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Sinisiguro ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na walang posters, flyers, at iba pang nakaugaliang campaign material na makikita ang taumbayan sa pangangampanya nito kasabay ng paglulunsad ng isang eco-firendly, lead-by-example campaign trail sa kanyang pagbabalik sa Senado.

“Ano ang pumapasok sa isip natin ‘pag sinabing ‘halalan sa Pilipinas’? Nandiyan ang maaksayang paggamit ng papel, tinta, at iba pang printing materials. Ilang puno ang nasasakripisyo natin sa iilang buwan lamang na kampanya?” sabi ni Cayetano, isang araw bago ang pormal na pagsisimula ng national campaign ngayong araw.

Sinabi pa ni Cayetano na hindi lamang ito pag-aaksaya kundi nakakadagdag sa napakalaking suliranin natin sa basura.

Kaugnay nito hinikayat ni Cayetano ang taumbayan na magtanim ng mga puno at mga bakawan sa kanayunan at pasukin ang urban farming at green wall gardening sa mga tao naman na nakatira sa mga syudad.

                Hinikayat din nito ang kanyang mga tagasuporta na magtanim ng mga halamang namumulaklak o flowering plant at magkaroon ng sustainable activities dahil nakasalalay sa kasalukuyang henerasyon ang kinabukasan ng ating mga kabataan.

Inihayag din ni Cayetano na isa sa mga hindi inaasahang epekto ng pandemya ay ang pagiging mas malapit ng bawat pamilyang Pilipino sa isa’t isa at ang pagiging maayos ng kapaligiran dahil sa pananatili ng mga tao sa kani-kanilang mga tahanan lalo na noong panahon ng lockdown.

                “This campaign season should not be a reason for candidates to spoil this unforeseen benefit’’, ayon pa sa mambabatas.

Ipinaliwanag pa ni Cayetano na hindi na ito mag-iimprinta ng mga campaign materials sa kanyang pangangampanya dahil ito ay gagawin na sa pamamagitan ng digital platforms. 

Base  aniya ito sa pag-aaral ng Pulse Asia na 63% na mga Pilipino ay mayroon ng access sa social media.

“Malawak na rin ang  naaabot ng internet sa Pilipinas at posible na ngayong magpatakbo ng isang eco-friendly campaign,” dagdag pa nito.

Apela pa ni Cayetano sa kanyang mga supporters na huwag nang mag-imprenta ng mga campaign materials bagkus samahan at suportahan na lamang ito sa kanyang digital campaign.

“Samahan ninyo ako sa ating bagong style ng pangangampanya. Huwag na po tayong mag-print ng mga poster dahil nakasisira ito sa kapaligiran natin. Tumutok na lang tayo sa Facebook at iba pang platform para hikayatin ang mga Pilipinong ibalik tayo sa Senado,” aniya pa.

Binigyang diin ni Cayetano na hindi na rin ito magsasagawa ng motorcades bilang respeto sa kanyang eco-friendly campaign.

“Mas mahalagang gumawa tayo ng hakbang para mapangalagaan ang ating environment sa panahon na ito. Protecting the environment means protecting ourselves. Huwag nating hintaying may delubyo na namang dumating bago tayo umaksyon,”giit pa ni Cayetano.

Leave a comment