
Ni NOEL ABUEL
Nagpaalala ang tambalan nina Partido Reporma presidential candidate at Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa kanilang mga tagasuporta at sa lahat ng botanteng Pilipino na mag-ingat hindi lamang sa COVID-19 virus kung hindi maging sa fake news sa pagsisimula ng opisyal na panahon ng kampanya.
Ayon sa dalawang batikang public servant, kinakailangang mas maging maingat ang mga botante dahil kakaiba sa lahat ng mga nakalipas na eleksyon noong mga nagdaang taon ang magiging paghalal ngayon sa mga posisyon sa national at local government.
Anila maliban sa banta sa kalusugan dulot ng umiiral pa ring pandemya ng COVID-19, nagkaroon din ng malaking pagbabago sa political landscape sa bansa dahil sa fake news o pagpapakalat ng mali o nakapanlilinlang na impormasyon para masira ang reputasyon ng isang kandidato at malihis ang paniniwala ng publiko.
Sinabi ni Lacson na personal nitong naranasan ang hagupit ng epekto ng fake news at black propaganda dahil naging biktima ito ng maling akusasyon para siraan ang kanyang malinis na record sa serbisyo publiko simula nang mahalal siya bilang senador noong 2001.
“Nalunod kami ng propaganda. Alam mo naman e pagkanatodohan ka ng propaganda, ‘yung fake news nagiging totoo sa isipan ng mga kababayan,” aniya.
Payo nito sa lahat ng mga botante, pag-aralang mabuti ang mga impormasyon na ipinapakalat lalo na sa mga online platform tulad ng social media dahil maaaring pakana lamang ito ng ilang humahadlang na masiwalat ang katotohanan o gustong malubog ang kalaban upang sila ang umangat sa karera. Ibinahagi rin ni Lacson ang plano nila ni Sotto upang simulan ang national campaign kasabay ng pagpapaalala sa kanilang mga tagasuporta na huwag magpakampante at sundin pa rin ang mga health protocol ngayong maraming lugar na sa bansa ang isinailalim sa Alert Level 2.
