
Ni NOEL ABUEL
Mahigpit na tagubilin ang ipinarating ni Senador Christopher “Bong” Go sa Philippine Sports Commission (PSC) na regular na makipag-usap at koordinasyon sa Philippine Olympic Committee (POC) upang hindi na maulit pa ang nangyari kay pole vaulter at Olympian Ernest John “EJ” Obiena at sa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Ito ang sinabi ni Go, na hindi naitago ang labis na pagkadismaya sa nangyayaring gusot sa pagitan ng mga Pinoy athletes at ng ilang opisyales ng PATAFA.
“Kaya nga po tayo mayroong PSC, it’s high time na you should step up at magpagitna, hindi ‘yung Senado ang referee dito. Kami rito gagawa kami ng, maybe, bagong batas na para to strengthen PSC dahil dito tapusin natin ito ngayong araw na ito at ang PSC po dapat ang magpagitna d’yan,” sabi ni Go sa pagdinig ng Senate Sports Committee
“Alam n’yo, tuwing mayroong Asian Games, mayroong Southeast Asian Games – even the recent Southeast Asian Games, pagkatapos, after giving honor to our country eh ang nangyayari doon na naman ‘yung nagsisisihan – Saan na ‘yung pera? Anong nangyari? Sino ang nakatanggap? Walang katapusan,” giit pa ni Go.
Nag-ugat ang sigalot sa akusasyon ng PATAFA na hindi binayaran ni Obiena ang Ukrainian coach nitong si Vitaly Petrov na mariin namang pinabulaanan ng mga ito.
Sa huli ay pinatitiyak ni Go sa mga sangkot sa nasabing usapin na maghanap ng solusyon upang hindi maging kahiya-hiya ang bansa sa international sporting arena.
“‘Wag po natin sayangin ang karangalan na dala ng ating mga atleta noong mga nakaraang taon para sa mga isyu na maaari namang pag-usapan at ayusin. Pwede naman pong ayusin ninyo ito. How can we unify as a nation and win in international competitions if we cannot even see eye to eye as one nation and one team?” tanon ng senador.
