
Ni NOEL ABUEL
Personal na nagpahayag ng solidong suporta ang Eat Bulaga host at kilalang “Bossing” na si Vic Sotto sa tandem nina Partido Reporma standard-bearer Senador Panfilo “Ping” M. Lacson at ng vice presidential bet nito na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanilang pagtakbo sa darating na May 2022 national elections.
Sa kanyang pahayag sa proclamation rally sa Imus, Cavite, binanggit ni Vic Sotto na lubos aniya nitong hinahangaan si Lacson sa kanyang integridad, katapangan at malinis na track record sa serbisyo publiko sa nakaraang limang dekada.
“Siyempre ang iboboto natin, walang iba kundi ang aking hinahangaang senador, si Senator Ping Lacson. Ako ay hanga sa katapatan nitong taong ito – katapatan sa pagbibigay ng serbisyong publiko. Nakita natin ‘yan sa record niya. At pagdating sa katapangan di mo matatawaran. Kabitenyo, eh. Katapangan para labanan ang mga tiwali sa gobyerno, para labanan ang kurapsyon sa gobyerno,” pahayaga pa ni “Bossing”.
Binigyang diin ni Lacson na ang pagsisilbi sa Malacañang ay isang serbisyo sa publiko kung saan ang mga lider ay hindi dapat na ituring naa “master” kundi isang tao na dapat na manilbihan sa taumbayan.
Inendorso rin ni Vic ang kanyang kapatid na si Senate President Sotto na isa sa mga “Dabarkads” sa pinakakilalang noontime show sa bansa, ang “Eat Bulaga!”
“Siya ang makakatulong ng ating Pangulong Ping para ayusin ang gobyerno, ayusin ang buhay nating lahat,” saad ni Vic.
Matapos ang kanyang talumpati, itinaas ni “Bossing” ang mga kamay ng Lacson-Sotto tandem bilang simbolo ng pagsuporta.
Samantala, kasama rin sa mga Dabarkads na pumunta sa rally sina Jose Manalo at Wally Bayola – pati na rin ang PBA basketball superstar na si Marc Pingris.
Siniguro ni Lacson na patuloy na inobserbahan ang mandatory health protocol at physical distancing sa lahat ng mga dumalo sa proclamation rally, alinsunod sa polisiya niya para sa isang disiplinadong pangangampanya.
