Fil-Am athlete na lalahok sa Beijing Winter Olympics pinuri

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Pinuri at nagpaabot ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa isang Pinoy athlete na lalaban sa  2022 Winter Olympics sa darating na Pebrero 13 hanggang Pebrero 16 sa Beijing, China.

Ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Sports, naniniwala itong may magandang resulta ang gagawing pakikipaglaban ni Asa Miller na magdadala ng Philippine flag sa pagbubukas ng Winter Olympics.

Nabatid na si Miller ay isinilang sa Portland, Oregon, na may hawak ng dual nationality dahil sa ang ina nitong si Polly, ay isang Filipino mula Santa Cruz, Manila habang ang ama nitong si Kelly, ay isang American.

 “Bilang isang sports advocate, natutuwa po ako at marami na po sa ating mga Pilipino ang napapansin sa larangan ng sports sa buong mundo. Si Asa Miller po ay isang karangalan ng bansa dahil ang kaniyang tagumpay ay tagumpay na rin ng buong Pilipinas,” sabi ni Go.

“Ang sports po ay isa sa mga paraan para magkaisa tayo. Kaya naman sa kanyang angking galing, tiwala po ako na magiging matagumpay si Asa na sasabak ngayong Winter Olympics,” dagdag pa nito.

Sinasabing ito ang ikalawang pagkakataon na lalahok si Miller sa Winter Olympics kung saan noong 2018 ay sumali ito sa Pyeongchang, South Korea habang 17-anyos pa lamang at nagtapos ito ng 70 sa 110 competitors sa giant slalom event.

Pahayag pa ni Go na nagagalak ito kay Miller, na irerepresenta ang Pilipinas sa Winter Olympics na bagama’t kilala ang Pilipinas na isang tropical country ay napabilang ito sa mga bansang kalahok sa nasabing palakasan.  

“Bilang ang Pilipinas ay isang tropical country, isang malaking karangalan talaga ang mapabilang sa mga bansang magre-representa sa Winter Olympics. Kaya naman, manalo o matalo, saludo pa rin ako sa’yo Asa. Makakaasa ka na kami ni Pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy kang susuportahan sa iyong paglalakbay bilang atleta,” paliwanag pa nito.

Leave a comment