
Ni NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Norwegian pedophile na wanted sa bansa nito dahil sa pagmomolestiya sa mga menor-de-edad sa nasabing bansa.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang nadakip na dayuhan na si Alexander Calapini-Solberg, 53-anyos, na nadakip noong nakaraang Lunes sa Bgy. 48-A Cabunggaan, Laoag City, Ilocos Norte ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU).
Isinalarawan ni Morente ang naturang dayuhan na isang high-profile fugitive na matagal nang wanted sa Norway dahil sa patung-patong na kaso ng sex offense na kinakaharap nito.
“We are going to deport him for being an undesirable alien. His continued presence in the country poses a serious threat to our Filipino children, anyone of whom could be his next victim,” sabi ni Morente.
Una nito, nagpalabas ng mission order si Morente matapos humingi ng tulong ang Norwegian authorities para sa ikadarakip ni Solberg na binawi na ng Oslo government ang pasaporte nito kung kaya’t isa na itong undocumented alien.
Ayon kay BI-FSU Rendel Ryan Sy nagpalabas din ang Interpol ng Red Notice laban kay Solsberg noong Disyembre 2021 base sa arrest warrants na inisyu ng Folio Og Norde Ostfold District Court sa Norway.
Ang warrant ay base sa apat na kasong pangmomolestiya sa apat na kabataang babae sa magkakahiwalay na pagkakataon.
Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang nasabing dayuhan habang inihahanda ang deportation proceedings laban dito.
