
Ni NERIO AGUAS
Magandang balita para sa mga Filipinong manggagawa na nais magtrabaho sa bansang Taiwan na magbubukas ng 40,000 trabaho.
Ito ay matapos ipahayag ng Taiwan Central Epidemic Command Center nitong Lunes na magbubukas na ito sa mga migranteng manggagawang Filipino simula Pebrero 15, 2022.
“Nagpapasalamat kami sa Taiwan sa muling pagtanggap sa ating kababayan sa kanilang iba’t ibang industriyang pang-empleo simula Pebrero 15. Ito ay isang mahalagang handog sa Araw ng mga Puso sa ating mga OFW at kanilang mga pamilya,” pahayag ni Sec. Silvestre Bello III.
Base sa ulat ni Philippine Overseas Labor Office (POLO)-Taipei Labor Attaché Cesar Chavez ito na ang ikalawang yugto ng Migration Project kung saan papayagang makapasok sa Taiwan ang mga migranteng manggagawa, kabilang ang mga Filipino.
Sinabi ni Chavez na dapat sumunod ang mga migranteng manggagawa sa mga alituntunin ng Central Epidemic Center ng Taiwan.
“Dapat ganap ng nabakunahan ang mga manggagawang Filipino laban sa COVID-19 bago sila pumasok sa Taiwan,” aniya.
Dapat maglaan ng hotel ang employer kung saan maaaring mag-quarantine ang mga darating na migranteng manggagawa. Matapos kumpletuhin ang 14 na araw na quarantine, mananatili pa sila ng pitong araw sa parehong hotel para sa kanilang self-health management bago sila papayagang pumunta sa lugar na kanilang pagtatrabahuhan.
Sinabi pa ni dapat ding sundin ang iba pang patakaran laban sa epidemya, kabilang ang PCR testing at isang-tao isang-kuwarto para sa isolation bago pumasok ng bansa.
Kailangan din ng medical insurance kung may mga kumpirmadong kaso, at kailangang sumailalim agad sa PCR testing pagkapasok sa Taiwan.
Hinimok ng opisyal ang mga employers na mahigpit na sundin ang “Guidelines for Employers Hiring Migrant Workers” ng Ministry of Labor.
Nagbabala ang Epidemic Center na kung hindi susunod ang employer sa anumang probisyon at iba pang kaugnay na alituntunin, ito ay mangangahulugan ng paglabag sa “Employment Service Law” kung saan maaaring bawiin ang kanilang employment permit.
Nagpasalamat din si Bello sa pagkilala ng Taiwan sa kontribusyon ng mga OFWs sa pag-unlad ng kanilang ekonomiya.
