
Ni NOEL ABUEL
Umapela si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa national government na huwag nang pahirapan pa ang taumbayan na makuha ang pandemic assistance programs kabilang ang P5 trillion national budget sa 2022 sa kabila ng nagsimula na ang election campaign season.
“Please make it easier for our kababayans to access the funds in DSWD, DTI, DOH, Department of Agriculture and all the other agencies,” sabi ni Cayetano.
“Bilyun-bilyon pong pera ang siguradong nilagay po diyan sa P5 trillion budget, para nga kahit anong mangyari dito sa ups and down ng COVID, lahat ng klaseng assistance nandiyan po sa P5 trillion budget,” dagdag nito.
Tinukoy nito ang iba’t ibang welfare programs na nakapaloob sa 2022 national budget kabilang ang nasa P21.36 bilyon na inilaan para ipantulong sa mga indigent patients.
Sinabi pa nito na ang Kongreso ay naglaan ng P5 bilyon para sa social amelioration program (SAP) maliba pa sa P25 bilyon para sa pension payouts sa mga indigent senior citizens.
Giit pa nito na ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay may pondong P39.87 bilyon habang ang Department of Trade and Industry (DTI) ay mayroong P1.5 bilyon na magagamit na pantulong sa mga maliliit na negosyante na pinadapa ng pandemya.
Una nang iginiit ni Cayetano sa pamahalaan na ibigay na lamang ng buo ang tulong pinansyal ng isang ahensya ng pamahalaan upang mapadali ang transaksyon.
Ipinalalala rin nito sa Commission on Audit (COA) na payagan ang mga state agencies na gamitin ang lahat ng pondo nang hindi nangangamba na maharap sa kaso.
“We need to balance ‘yung transparency and making sure na tama ‘yung paggamit ng pondo, but we also have to make sure na nagagamit talaga, kasi bale wala rin po kung nandiyan lang po sa bangko o nasa mga departamento at hindi nagagamit,” paliwanag nito.
Sinabi pa nito na ang Sampung Libong Pag-asa at Sari-saring Pag-asa financial assistance programs na sinimulan nito at nagtapos na ay naging matagumpay sa tulong ng donasyon mula sa pribadong sektor.
Mayo 2021, nang ilunsad ni Cayetano ang Sampung Libong Pag-asa program kung saan namahagi ito ng cash grants na P10,000 bawat isa sa 15,727 pamilya sa buong bansa.
Habang ang Sari-saring Pag-asa cash aid program ay namahagi ng P3,500 bawat 17,433 small business owners sa buong bansa.
