
Ni NOEL ABUEL
Iniutos ng Sandiganbayan Sixth Division ang pagbasura sa limang kasong graft laban sa dating opisyal ng Oroquieta City Water District (OCWD) matapos na malamang nasawi ito sa COVID-19 virus noong nakaraang taon.
Sa resolusyon na inilabas nina Associate Justices Sarah Jane T. Fernandez, Karl B. Miranda, at Kevin Narce B. Vivero, ipinaliwanag ng mga ito na hindi na maaari pang ituloy ang pagdinig sa kaso laban kay Ricardo Ravacio, dating general manager ng OCWD dahil sa binawian na ito ng buhay.
Binawi rin ng korte ang warrant of arrest at ang hold departure order na una nang ipinalabas laban kay Ravacio at iniutos na ibalik ang cash bond nito at ibigay sa naulilang asawa nito.
Nabatid na inihain ng Office of the Ombudsman ang kasong katiwalian noong 2017 laban kay Ravacio, at dating OCWD Board of Directors chairperson Evelyn Catherine Silagon at iba pang water district officials dahil sa umano’y maanomalyang paggamit sa pondo ng ahensya.
Ayon sa prosekusyon, ang nasabing pondo ay natuklasan na nasa personal bank accounts ni Silagon at anak nito habang ang iba pang akusado na kasali sa pag-apruba sa transaksyon kasama ang pagkuha ng public relations consultant ay walang public bidding.
Sinasabing ang cash release na nagkakahalaga ng P1.433 milyon ay inaprubahan ni Silagon at Ravacio bilang kabayaran sa kanila nang walang ipinaliwanag kung para saan ito.
Ngunit noong Hulyo July 7, 2021 naghain ng petisyon ang abogado ni Ravacio na si Atty. Virgilio Ocaya sa anti-graft court na humihiling na ibasura ang kaso laban dito dahil sa binawian na ng buhay ang kliyente nito dahil sa COVID-19.
Ipinakita ng depensa ang Certificate of Death na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may petsang Nobyembre 25, 2021.
“In view of accused Ravacio’s death, the Court grants Atty. Ocaya’s Motion to Dismiss. As prayed for, SB-17-CRM-0254 to 0257, and 0260 are hereby dismissed as to accused Ravacio,” ayon sa anti-graft court.
