
Ni NOEL ABUEL
“Ngayon pa lamang ay dapat na tayong humingi ng tawad sa ating mga anak at susunod na henerasyon na papasan sa epekto ng ating maling desisyon dahil sa mga polisiyang gagawin ng huwad na lider.
Nagbabala si Senador Panfilo Lacson sa mga botante na nakasalalay sa mga botante kung ano ang magiging buhay ng mga kabataan kasabay ng kanyang pakiusap sa taumbayan na maging maingat sa pagpili ng susunod na maging presidente, bise presidente, mga senador at iba pang mga mamumuno sa bansa.
“Kaya po uulitin ko, kapag tayo pumili hindi lang pagkapangulo, hindi lang pagkapangalawang pangulo, ‘yung manunungkulan sa Senado, ‘yung manunungkulan sa Kongreso, ‘yung manunungkulan sa mga lokal na pamahalaan, pumili tayo pong mabuti,” dagdag ni Lacson.
“Isipin natin ang kinabukasan ng ating mga anak, isipin natin ang kinabukasan ng susunod na henerasyon. Huwag na natin isipin ang sarili natin. Nagtiis na tayo, kaya pa natin pagtiisan. Alalahanin natin ang ating mga anak, ang magiging anak ng ating mga anak, ang susunod na henerasyon. Ito ba ang gusto natin ipamana sa susunod na henerasyon?” tanong nito.
Obserbasyon ni Lacson, kung minsan ay ikinahihiya na ng mga Pilipino na makilala sila sa ibang bansa at kung magbabatian sa eroplano pabalik sa Pilipinas ay “back to reality” ang nasasambit – bagay na madalas umanong mangyari.
