
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na dapat na ipagpatuloy ang ilang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte ng susunod na administrasyon na malaki ang naging tulong para mapabuti ang bansa.
Tinukoy ni Cayetano ang war on drugs, Build Build Build project, at pamamahagi ng tulong-pinansiyal sa mga mahihirap na pamilya.
“Kung gusto nating mawala ‘yung trapik sa highly urbanized, kailangan talagang lumabas. Kailangan mas marami talagang infra and kailangan matuto tayo sa Japan at China kung saan ang bibilis ng mga tren,” wika nito.
Dinagdag din nito na dapat makapagtayo ang bansa ng mga high-speed trains upang mapabilis ang pagluwas ng mga Pilipino mula Metro Manila patungo sa ibang mga probinsya. Magiging daan ito para mapaunlad ang ibang mga lugar, maliban sa Metro Manila.
“Dapat ipagpatuloy ang war on drugs, pero dapat walang abuso, at dapat mas maraming rehab center,” aniya.
Unang ibinunyag ng Department of Justice (DOJ) na mahigit-kumulang 100 mga pulis ang di umano’y nasangkot sa mahigit 52 na anti-illegal drug operation, na nauwi sa pagkasawi ng mga pinaghinihilaang drug pusher.
Sinabi naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nadagdagan ang bilang ng mga Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers sa bansa, mula 13 noong 2016 na naging 22 noong nakaraang taon.
Maliban dito, umabot din aniya sa 780,000-katao ang lumapit sa mga community-based wellness at recovery programs nitong Oktubre 2021.
Nasabi na rin ni Cayetano na dapat magkaroon ng medical approach ang gobyerno para masugpo ang droga. Paliwanag niya, biktima lang din ang mga nalulong dito.
Para rin sa dating House Speaker, ipagpapatuloy nito ang pagsusulong sa 10K Ayuda na magbibigay ng direktang tulong pinansiyal sa lahat ng pamilyang Pilipino.
“Mayroon pondo ngayon ‘yan, may P1 billion ‘yan sa DTI , mahigit P20 billion din sa DSWD, pero paano ipadali na makuha ng tao directly,” aniya.
Bukod pa rito, mayroon din aniyang inilaan ang 2022 National Budget na P26.5 billion para sa Department of Labor and Employment (DOLE) at P7 billion para sa Department of Transportation (DOTr) na maaaring ipamahagi sa mga Pilipino.
Sinabi rin ni Cayetano na dapat mapadali ng gobyerno ang pamamahagi ng ayuda, katulad ng pamamahagi nito 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) na direktang ibinibigay sa mga benepisaryo.
Matagal nang isinusulong ng dating Speaker ang pamimigay ng P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino para makatulong sa pagbangon nila mula sa pandemya. Ayon sa kanya, makatutulong din ito sa ekonomiya.
Ito rin ang dahilan kung bakit niya inilunsad ang Sampung Libong Pag-asa program noong nakaraang taon kung saan namahagi siya ng P10,000 ayuda sa piling mga pamilya para mapatunayan na nakatutulong ito.
