Pagbangon ng sektor ng edukasyon bibigyang prayoridad ni Gatchalian

Senador Sherwin Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Nangako  si Senador Win Gatchalian na kung sakaling muling mahalal sa ikalawang termino sa Senado ay bibigyan nito ng prayoridad ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.

Ayon kay Gatchalian na kasalukuyang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, patuloy nitong itutulak ang ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral para sa face-to-face classes.

Dagdag pa ng senador, tututukan din ng kanyang legislative agenda ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon at ng mga pampublikong paaralan sa bansa, kung saan nag-aaral ang halos 90 porsyento  ng mga mag-aaral ng bansa.

Tinataya ng World Bank na nasa 90 porsyento na ang learning poverty sa bansa ng mga batang hindi makapagbasa o makaunawa ng simpleng kwento.

Babala pa ng mga eksperto, maaaring lumala pa ang bilang na ito dahil sa kawalan ng face-to-face classes.

Tinataya rin ng National Economic and Development Authority na dahil sa isang taong walang face-to-face classes, aabot ng P11 trilyong ang katumbas na productivity losses sa bansa sa susunod na 40 taon.

“Hindi pa tapos ang ating trabaho. Kaya ang aking adbokasiya: isulong natin ang kapakanan at karapatan ng bawat mag-aaral tungo sa isang dekalidad na edukasyon,” ani Gatchalian.

Si Gatchalian ang sponsor ng Senate Bill No. 2485 o ang Second Congressional Commission on Education Act (EDCOM II) na kamakailan ay inaprubahan ng Senado sa ikatlong pagbasa. Layunin ng panukalang EDCOM II na magsagawa ng malawakang pagsusuri sa buong sektor ng edukasyon upang mag-rekomenda ng mga mahalagang reporma.

Si Gatchalian din ang may akda at sponsor ng Excellence in Teacher Education Act na layong iangat ang kalidad ng edukasyon at training ng mga guro. Ratipikado na ng Senado at Kamara ang bicameral conference committee report ng naturang panukala.

Para naman tugunan ang pangangailangan ng mga learners with disabilities, si Gatchalian din ang naging sponsor ng panukalang batas na pinamagatang Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act. Ratipikado na rin ng parehong kapulungan ng Kongreso ang naturang panukala.

Ilan pa sa mga batas na matagumpay na isinulong ni Gatchalian ang Good Manners and Right Conduct and Values Education Act (Republic Act No. 11476), ang National Academy of Sports (Republic Act No. 11470), ang Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510), at ang pagtatakda ng bagong petsa sa pagbubukas ng school year (Republic Act No. 11480).                

Leave a comment