El Shaddai inendorso ang BBM-SARA tandem

Ni NOEL ABUEL

Inendorso ng isa sa pinakamalaking big religious group na El Shaddai ni Bro. Mike Velarde ang presidential bid ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at vice presidential candidacy ni Lakas-Christian Muslim-Democrats (CMD) chairperson Mayor Sara Duterte.

Agad na pinasalamatan ni Duterte si Velarde at ang mga miyembro ng nasabing religious group dahil sa suporta sa kandidatura nila ni Marcos.

“Maraming, maraming salamat po Brother Mike Velarde at sa milyun-milyong kasapi ng El Shaddai. Ang inyong suporta sa aking kandidatura pagka-bise presidente ng Pilipinas ay isang malaking tulong sa aking pangarap at mga gustong isulong kapag ako ay nahalal kasama ang ating presidential candidate–si Apo Bongbong Marcos,” masayang sabi ni Duterte.

Ayon kay Duterte, ipinangako nito na itutuloy ang mga programa ng ginawa ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo “Roa” Duterte kabilang ang kampanya laban sa illegal na droga.

“Gusto rin nating ituloy ang mga magagandang programa at proyekto ng administrasyong Duterte,” ani Duterte.

Sinabi pa  ni Duterte na dahil sa ginawang pag-endorso ng El Shaddai ay mas lalong pagsisikapan ng nito at ni Marcos na pamunuan ang bansa.

“Kagalang-galang na Brother Mike Velarde, ang inyo pong dasal at basbas–kasama ng lahat ng kasapi ng El Shaddai–ay karagdagang sandata sa amin ni Apo BBM sa pagharap namin sa hamon na pamunuan ang ating bansa,” pahayag ni Duterte.

“Alam namin na hindi biro ang aming hinaharap. At kung sakaling kami ang pipiliin ng mga Pilipino sa Mayo, kakaharapin namin ang tiyak na mas malalaki pang hamon. Pero naniniwala ako na walang hamon o pagsubok o problema na hindi kayang solusyunan o lampasan sa pamamagitan ng ating pagkakaisa,” dagdag pa nito.

“Alam ko na ang pagkakaisa ay isang bagay na pamilyar at malapit po sa puso ng mga kasapi ng El Shaddai. Kasama ang pananampalataya sa Diyos, ang pagkakaisa ang dahilan bakit malakas at lumalakas po ang inyong samahan,” pagpapatuloy pa nito.

                “Sa darating na mga araw, magpapatuloy ang Mahalin natin ang Pilipinas Ride. Sa pamamagitan nito, nais naming makasalamuha at makausap ang mas marami pa nating mga kababayan–para maiparating sa kanila ang ating mensahe, para maipaabot namin ang mga plano ng UniTeam. Humihiling po ako ng mas marami pang panalangin at basbas na sana ay maipagpatuloy namin ang aming gawain nang maayos at walang problema,” aniya pa.

“Hangad po namin ang tagumpay ng mga Pilipino at ng buong bansa. Sa muli, tanggapin po ninyo ang aking taus-pusong pasasalamat sa inyong suporta. Ipagdasal natin ang Pilipinas. Mahalin natin ang Pilipinas. Maraming, maraming salamat,” pagtatapos ni Duterte.

Leave a comment