Ex-Customs officer kulong dahil sa pekeng SALN statements

Ni NERIO AGUAS

Pinatawan ng pagkakakulong ng dalawang taon  hanggang walong taon ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang isang dating opisyal ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng pamemeke nito sa kanyang 2010 Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN).

Kasong paglabag sa falsification by a public officer sa ilalim ng Article 171, paragraph 4 ng Revised Penal Code ang ugat na pagpataw ng parusa kay Delia Morala, dating Customs Operations Officer V ng BOC.

Nabatid na napatunayan na hindi nagsabi ng katotohanan si Morala sa kanyang SALN na ang asawa nito ay incorporator at stockholder ng isang real estate firm.

Maliban na maliban sa pagkakakulong ay pinagmumulta rin ito ng P5,000.

Nag-ugat ang reklamo sa inihain ng Office of the Ombudsman noong 2017 mula sa reklamo ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ng Department of Finance (DOF).

Sa desisyon ng korte, guilty beyond reasonable doubt na nagsinungaling si Morala nang sabihin nitong “No” sa tanong na,  “Do you have any interests and other financial connections including those of your spouse and unmarried children below 18 years of age living in your household?” sa kanyang 2010 SALN.

Sa ebidensya ng prosekusyon, napatunayan na ang asawa nitong si Mariano ay stockholder at incorporator ng Moravilla Real State Corp. base sa Certificate of Incorporation na may petsang Enero  27, 2010 at Articles of Incorporation na may petsang Enero 15, 2010.

Leave a comment