Pagbabakuna ng mga mag-aaral mahalaga sa pagbabalik ng face-to-face classes — solon

Senador Sherwin Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Nanindigan si Senador Win Gatchalian na ang pagbabakuna ng mga mag-aaral na nasa wastong edad ang kailangan upang matiyak ang ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes.

Sinabi ng senador na base sa datos at ang payo ng mga eksperto, ipinapakitang ang mga batang may edad 5 hanggang 11-anyos ay mabibigyan ng proteksyon ng mga bakuna, lalo na mula sa malubhang pagkakasakit, pagkaka-ospital, at pagkamatay dahil sa COVID-19.

“Ang pagpapabakuna ang susi natin para makabalik na tayo nang ligtas sa face-to-face classes. Marami nang bansa ang nauna nang magbakuna ng mga 5 to 11 years old at nakita natin na ang bakuna ay ligtas at epektibo laban sa COVID-19,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Kaya naman hinihikayat ko ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak upang sila ay maging ligtas, lalo na sa kanilang pagbabalik sa paaralan,” dagdag na pahayag ng senador.

Muli ring iginiit ni Gatchalian ang matinding pinsalang dulot ng kawalan ng face-to-face classes, kabilang ang learning at productivity losses na magdudulot ng matinding dagok sa ekonomiya.

Sa kasalukuyan, ang COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech ang aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) para sa pagbabakuna ng mga batang nasa edad 5-anyos hanggang 11-anyos na babakunahan ng mas mababa ang dosage para maging akma sa naturang age group.

Sa isang pahayag, nanindigan ang Philippine Pediatric Society (PPS) at ang Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP) na makatutulong ang pagbabakuna upang labanan ang COVID-19 sa mga kabataan.

Ayon sa isang pag-aaral ng New England Journal of Medicine na lumabas noong Enero, ang COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech ay may 90.7% na efficacy sa mga bata at kung may side effects man ang bakuna isang buwan matapos ang second dose, karamihan ng mga ito ay mild o moderate lamang.

Kabilang umano sa mga pinakamatinding epekto ng COVID-19 sa mga bata ang Multisystem Inflammatory Syndrome in Children (MIS-C) na pinakalaganap naman sa mga batang nasa edad 5-anyos hanggang 11-anyos.

Ang MIS-C ay isang kondisyon na nagdudulot ng inflammation o pamamaga sa mga bahagi ng katawan tulad ng puso, baga, utak, mga mata, at iba pa.

Batay sa karanasan ng Estados Unidos, nabawasan ng siyamnapu’t isang porsyento ang posibilidad na magkaroon ng MIS-C matapos ang dalawang dosage ng COVID-19 vaccine. Siyamnapu’t limang (95) porsyento rin ng mga batang naospital dahil sa MIS-C ay hindi bakunado.

Leave a comment