
NI NOEL ABUEL
Muling iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang apela sa national government at local government units (LGUs) na paigtingin ang pagpapabakuna sa mga nasa vaccine priority list partikular ang nasa 2.5 milyong hindi pa bakunadong senior citizens.
Ayon sa senador, walang sinumang Filipino ang dapat na maiwan sa paglaban sa COVID-19 kung kaya’t kailangan na magtulungan ang pamahalaan at LGUs na mapilit ang mga senior citizens na magpabakuna na.
“Bagama’t hindi mandatory ang vaccination laban sa COVID-19 at hindi pwedeng pilitin ang mga tao, hikayatin pa rin natin ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na dahil maiiwasan natin ang malubhang sakit o maging kamatayan dahil sa COVID-19. Ilapit na natin sa kanila ang bakuna at ipaintindi natin nang mabuti,”giit ni Go.
Hinimok ng senador ang mga LGUs na pag-isipang paigtingin ang kanilang house-to-house operations sa mabakunahan na ang mga senior citizens nahihirapang lumabas ng kanilang tahanan.
“Ang panawagan ko po sa mga LGUs na suyurin po. Kasi ‘yung mga senior citizens natin hindi nakakalabas, takot pong lumabas, takot mag-travel po papunta sa vaccination center,” ayon pa sa senador.
“Dapat po, pwede bang maaari ibahay-bahay n’yo na po, puntahan ng LGUs ‘yung pamamahay ng mga senior citizens na gustong magpabakuna,” apela ni Go sa mga LGUs.
Aniya mismong si Dr. Rajendra Prasad Yadav, ang World Health Organization representative sa Pilipinas ang nagsabing mahigit sa 2.5 milyong senior citizens ang hindi pa nakakatanggap ng single dose ng COVID-19 vaccine.
Umapela rin si Yadav sa LGUs na kumilos para mabakunahan lahat ang hindi pa nakakakuha ng bakuna partikular ang mga nakatatanda at mayroong co-morbidities.
Sinabi pa ni Go, sa taumbayan na huwag matakot sa bakuna kung hindi sa virus kung kaya’t mahalaga na magpabakuna upang maproteksyunan hindi lang ang sarili kung hindi ang mga mahal sa buhay at buong komunidad laban sa COVID-19 virus.
“Nananawagan po ako sa mga kababayan natin na magtiwala ho kayo sa bakuna, huwag ho kayong matakot sa bakuna. Sa mga senior citizens po magpabakuna na kayo, part po kayo ng priority list. Marami pa pong dapat balikan ang ating gobyerno, lalung-lalo na po sa senior citizen,” sabi ni Go.
