Kinatigan ng Sandiganbayan ang Office of the Ombudsman na may karapatan ang pamahalaan na habulin ang umano’y $2 million undeclared bank deposits ni dating Department of Justice (DOJ) Sec. Hernando “Nani” Perez, kasama ang asawa nitong si Rosari at brother-in-law na si Ramon Arceo, at ang negosyanteng si Ernest Escaler.
Sa 15-pahinang resolusyon na ponente ni Presiding Justice Amparo M. Cabotaje-Tang at Associate Justices Bernelito R. Fernandez at Ronald B. Moreno, sinang-ayunan ng mga itoo ang pagtutol sa Interrogatories na isinampa ng mag-asawang Perez at ni Arceo.
Nabatid na hiniling ng mga respondents na hindi dapat isampa ang petition for forfeiture ng pamahalaan apat na taon matapos na magretiro o ma-dismiss ang respondent public official at iginiit ang isinasaad ng Section 2 ng RA 1379.
Ipinaliwanag ng mga ito na si Perez ay nag-resigned bilang kalihim ng DOJ noong Enero 2, 2003 ngunit ang petition for forfeiture ay isinampa lamang sa Sandiganbayan noong Nobyembre 14, 2014 o 11 taon matapos mabakante nito ang posisyon.
Base sa reklamo ng Office of the Ombudsman, nabigo si Perez na ideklara ang $1.7 million fund transfer na napunta sa bank account nito mula kay Escaler at patunay nito ay may hawak na paper trail ang prosekusyon sa nasabing transaksyon.
Sinasabing ang nasabing salapi ay bahagi ng $2 million cash na ibinayad kay Perez ni Manila Rep. Mark Jimenez a.k.a. Mario Crespo noong Pebrero 2001 kapalit ng pagtanggal sa plunder investigation laban kay dating Pangulong Joseph Estrada.
Sa pagpapatibay ng bisa ng forfeiture petition, napuna ng anti-graft court na ang mga isyung katulad nito ay iniharap ni Escaler sa kanyang Request for Admission and Written Interrogatories at ang mga ito ay tinalakay na noong Disyembre 7, 2020 resolution.
Naninidigan ang korte na maaaring igiiit nito ang pagbawi sa ill-gotten wealth ng isang public official nang walang time limits.
“The 1987 Constitution specifically provides that the right of the State to recover properties unlawfully acquired by public officials or employees, from them or from their nominees or transferees, shall not be barred by prescription, laches, or estoppel,” ayon pa sa Sandiganbayan.
