Nagsisisi ako na inirekomenda ko si Sec. Dar sa DA—Sen. Marcos

Senador Imee Marcos

Ni NOEL ABUEL

Aminado si Senador Imee Marcos na nagkamali ito sa pagrekomenda kay Department of Agriculture (DA) Sec. William Dar para pamunuan ang nasabing ahensya kung batid nitong uunahin ang pag-i-import ng mga pangunahing produkto.

 “Labis ang pagsisisi ko na inirekomenda ko si Secretary William Dar sa DA, at wala pala siyang aatupagin kundi mag-import ng bigas, manok, baboy, isda, at ngayon asukal naman, nakakainis!,” giit pa ni  Marcos.

“Lahat naman hangang-hanga kay Manong Willie sa record niya sa ibang bansa, di naman sukat akalain na pag-uwi dito sa Pilipinas ay magpapalamon sila sa dambuhalang importers at smugglers,” dagdag pa nito.

Inirerekomenda rin ni Marcos sa DA na buksan ng mas maaga o paikilin ang ipinaiiral nitong closed fishing upang mabawasan ang pag-import ng isda mula sa ibang bansa.

 Ayon sa senador, dapat payagan na lamang ng DA na iwanang bukas sa mga commercial fishers ang mga lugar na may kakulangan sa suplay at tulungang ipabarko ang supply ng isda galing Mindanao hanggang sa Luzon at Visayas.

Maliban pa dito ay dapat din aniyang repasuhan ang mga pamumuhunan sa mga pasilidad na ginagamit pagkatapos ng bawat ani tulad na lamang ng blast freezing at cold storage at ipagamit na ang 60% na paupahan sa mga fishpond.

Idinagdag pa ni Marcos na kailangan na ring amiyendahan ang Fisheries Code upang hindi na makapag-import ang DA na walang pahintulot ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC).

“Klaro na dapat i-rescind na ang mga certificates of importation. May pending smuggling cases ang Navotas vs BFAR, DA. Sa tingin ko, may basehan magsampa na naman ang mangingisdang Pilipino ng kaso sa paglabag ng DA/BFAR, PFDA (Philippine Fisheries Development Authority), BOC (Bureau of Customs) sa agricultural  sabotage at technical smuggling,” sabi ni Marcos.

 “Nakakaduda rin na mga coop na naman, na walang kakayahan mag-import ng milyun-milyong dolyar na isda, ang certified importer raw. Di ba ginamit din mga hamak na coop sa pagpasok ng bigas, bawang atbp.? Paano ba maging importer? Bakit may mga “suki” ang DA mula pa January 2021 na may supply na kaagad – matagal ng may stock o na smuggle na? Pharmally na naman ba ito?” pag-uusisa pa ng senador.

Leave a comment