Gatchalian suportado ng national electric cooperatives consumers group

Ni NOEL ABUEL

Inendorso ng National Center of Electric Cooperatives Consumers Inc. (NCECCO) ang pagpapatuloy ng termino ni Senador Win Gatchalian sa Senado bilang kanilang katuwang sa pagtataguyod ng maaasahan at dekalidad na serbisyo sa mga konsyumer ng kuryente.

“Ang grupong ito ay naniniwala na isinusulong ni Senador Win ang mga positibong pagbabago at pag-unlad ng bansa sa pamamagitan ng kanyang plataporma ng gobyerno base na rin sa kanyang track record na nagpapakita ng mga inihain niyang panukalang batas na nakatuon sa pagbibigay ng proteksyon sa mga karapatan at interes ng mamamayang Pilipino sa mga susunod na mga taon,” sabi ng NCECCO sa pamamagitan ng kanilang Resolution No. 6 at  kumakatawan sa 13.5 milyong miyembro nito.

Idinagdag pa ng nasabing grupo na si Gatchalian ay matagal nang katuwang ng mga electric cooperatives sa bansa dala na rin ng kanyang mga kontribusyon sa pagpasa ng ilang mahahalagang panukala na naglalayong itaguyod ang kompetisyon sa merkado at gawing investor-friendly at red tape-free ang sektor ng enerhiya at pangkalahatang ekonomiya ng bansa.

“Sa nalalapit na halalan na gaganapin sa Mayo 2022, isang magandang pagkakataon para sa NCECCO na pumili at suportahan ang isang kandidatong nakakaunawa at may malasakit sa mga adbokasiya ng organisasyon at inuuna ang kapakanan at interes ng mga Member Consumer Owners (MCOs) lalo na ang mga marginalized at underprivileged na mamamayan sa mga probinsiya,” kanilang pagdidiin.

Iginiit pa ng mga ito na ang re-electionist na senador ay kilala na isinasapuso ang pagiging lingkod bayan at ang kanyang matagumpay na karera ay naitaguyod sa pamamagitan ng katapatan, integridad, may pagnanais na maglingkod sa publiko, at pinamunuan ang Senate Committee on Energy na ang tanging layon ay maprotektahan at maitaguyod ang kapakanan ng mga Pilipinong konsyumer.

Sinabi rin nila na hinahangaan nila ang pagsusumikap at dedikasyon ng mambabatas sa paggawa ng mga hakbang na magtataguyod ng matatag na kompetisyon sa merkado na humihikayat ng pamumuhunan sa bansa at ginagawang mas madali ang pagnenegosyo dito.

Ang NCECCO ay may hangaring isulong ang kaunlaran sa bansa sa pamamagitan ng pagpapailaw sa mga kanayunan.

Ang nasabing resolusyon ay inaprubahan noong Pebrero 1, isang linggo bago ang pagsisimula ng opisyal na campaign period para sa mga national candidates.

Leave a comment