
Ni NOEL ABUEL
Muling kinalampag ni Senate President Vicente Sotto III ang National Telecommunications Commission (NTC) para kumilos na pigilan ang paggamit ng text messaging bilang black propaganda tool upang makapagpakalat ng fake news at maling impormasyon sa taumbayan.
Giit ni Sotto, dapat na gamitin ng NTC ang regulatory power nito sa telecommunication firms sa bansa at atasan ang mga ito na pigilan na magamit ang text messaging sa pagpapakalat ng mali-maling impormasyon.
“The people or groups behind text scams are able to access the mobile phone numbers of individuals. Paanong nakakapag-text sila sa mga phone numbers ng iba’t ibang telcos? Paano nila nakuha ang mga phone numbers? May kakuntsaba ba sila sa loob? Internal job ba ito? Kailangang sagutin ito ng NTC at ng mga telcos natin,” pag-uusisa ni Sotto sa NTC.
Ginawa ni Sotto ang pahayag sa kumalat na text messages na inobliga nito at ni Senador Richard Gordon ang mga kapwa nito senador na lagdaan ang inilabas na report ng Senate Blue Ribbon Committee na pinapanagot si Pangulong Duterte sa kasong betrayal of public trust kaugnay ng multi-billion-peso contracts sa kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Maliban kay Duterte, kasama rin sa inirekomenda ng nasabing komite na kasuhan ng plunder, graft at iba pang kasong kriminal at administratibo laban kay Health Secretary Francisco Duque III, at iba pang opisyales ng pamahalaan at mga opisyales ng Pharmally.
“No to Gordon & Sotto pressuring other senators to sign their blue ribbon sham report. Continuing their TRIAL BY PUBLICITY IN AID OF ELECTION! MGA EPAL!” sa umikot na text messaging. “Trabaho ng NTC na siguruhin ang integridad ng ating telecommunication industry. Paanong nakakalusot ang mga scam na tulad nito? Paulit-ulit na lang ito. Wala bang ginagawa ang NTC at ang mga telcos natin kung kaya’t tuluy-tuloy ang business nitong mga scammers na ito? Nananawagan ako sa NTC na mabilisang aksyunan at alamin kung paanong mapapahinto ang pagkalat ng mga scam tulad nito,” paliwanag pa ni Sotto, na tumatakbong vice presidential candidate sa 2022 national elections.
