BI sa airlines: Eligible aliens lamang ang pasakayin sa eroplano

Commissioner Jaime Morente

Ni NERIO AGUAS

Nanawagan si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa mga airline company na siguruhin na tanging mga eligible aliens ang papayagang makasakay sa eroplano papunta sa Pilipinas.

Paliwanag ni Morente, responsibilidad ng mga airline company na tiyaking ang mga dayuhang pasahero ng mga ito na pupunta sa Pilipinas ay lehitimo base na rin sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Sa kasalukuyan, tanging mga dayuhan na fully vaccinated ang papayagang makapasok sa bansa na ipapakita pagdating sa paliparan.

Ayon naman kay Atty. Carlos Capulong, ang BI port operations chief, obligasyon ng mga airlines na masiguro na kumpleto ng kaukulang papeles ang mga pasahero nitong dayuhan bago payagang makasakay sa eroplano.

Aniya, nagpapasalamat ito sa mga airlines sa kooperasyon ng mga ito sa pinaiiral na travel restrictions ng pamahalaan. 

“This is a joint effort by different government agencies, as well as the airlines who are the first to evaluate documents presented by travelers. The airlines have been very helpful and cooperative with these policies that we are duty-bound to impose,” sabi ni Capulong.

Nabatid na sinumang dayuhan na darating sa Pilipinas na walang maipakitang kaukulang dokumento ay agad na pababalikin sa bansang pinanggalingan nito habang ang airline na nagsakay dito ay mahaharap sa multa at parusa.

Leave a comment