Dagdag sahod sa mga guro isinusulong ni Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Magandang balita para sa mga guro sa bansa.

Ito ay dahil sa isinusulong ni re-electionist  Senador Win Gatchalian ang pagtaas ng mga sahod ng mga guro upang itaas ang kanilang moral at mahiyakat ang mas maraming mga mag-aaral na sumabak sa pagtuturo.

Sa isang forum na isinagawa ng Alliance of Concerned Teachers na pinamagatang “Ang Senador at ang Edukasyon,” ibinahagi ni Gatchalian ang kaniyang panukala upang itaas ang sahod ng mga guro, lalo na sa entry level.

Panukala pa ng senador na itaas ang salary grade ng Teacher I mula Salary Grade 11 tungo sa Salary Grade 13 o 14.

Sa ilalim ng third tranche ng Salary Standardization Law V na kasalukuyang ipinatutupad, ang sahod ng Teacher I ay P25,439. Kung ang sahod ng Teacher 1 na nasa Salary Grade 11 ay iniangat sa Salary Grade 13 sa ilalim ng kasalukuyang tranche, ang kanilang mga sahod ay magiging P29,798.

Ayon sa pagsusuri ng tanggapan ni Gatchalian, tinatayang P58.6 bilyon ang kailangang idagdag sa P379.6 bilyong sahod ng mga Teacher I, II, at III kada taon. 

Kung itataas naman sa Salary Grade 14 ang sahod ng mga Teacher I sa ilalim ng third tranche ng Salary Standardization Law V, ang kanilang magiging sahod ay aabot na sa P32,321 kung saan Kakailanganin nito ang P92.1 bilyon na idadagdag sa taunang budget ng sahod para sa mga Teacher I, II, at III.

Sa ilalim naman ng fourth tranche ng Salary Standardization Law na ipapatupad sa susunod na taon, ang Step 1 ng Salary Grade 13 ay aabot sa P31,320 habang ang Step 1 naman ng Salary Grade 14 ay aabot sa P33,843.

“Isa sa ating mga adbokasiya ay pataasin ang moral ng ating mga guro at hikayatin ang mga estudyante natin na kumuha ng kurso sa pagtuturo. Isang paraan diyan ay taasan po ‘yung sweldo,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Binigyang diin din ni Gatchalian na mas mababa ang sahod ng mga guro sa Pilipinas kung ikukumpara sa ibang mga bansa sa ASEAN tulad ng Indonesia na nasa P66,099, Singapore na nasa P60,419, Malaysia na nasa P44,496, Thailand na nasa P37,152, at Vietnam na nasa P36,115.

“Ang guro ang pinakamahalagang sangkap pagdating sa sektor ng edukasyon dahil direkta silang nagbibigay ng kaalaman sa ating mga mag-aaral. Importante na nasusuportahan natin ang kanilang mga pangangailangan at napapangalagaan ang kanilang kapakanan,” sabi pa ni Gatchalian.

Leave a comment