
Ni NOEL ABUEL
Sinisiguro ng Lacon-Sotto tandem na susunod ito sa panuntunan ng gobyenro na magpatupad ng health protocols sa panahon ng pangangampanya ng mga ito.
Anila, dahil ramdam na ramdam pa rin ang COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng bansa, mas bibigyang prayoridad ng mga ito ang kalusugan ng publiko kaysa sa bilang ng nakikitang tagasuporta sa mga kampanya.
Una nang inusisa si Partido Reporma presidential candidate Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate nitong si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III kung paano mas lulutang at magiging kakaiba ang kanilang kampanya kumpara sa ibang mga tandem.
“We will run a very disciplined campaign. Disciplined in the sense na dahil may health protocols—I think doon kami mag-i-stand out, ano, makikita ‘yung diperensya compared sa ibang mga kandidato. Nakita naman natin, ‘di ba, ‘pag nag-caravan ang gulu-gulo. Hindi natin alam—hindi na nga natin mabilang kung ilan ‘yung nahawa doon,” tugon ni Lacson.
“Hindi naman nare-report e kung ilan ‘yung nahawa doon sa talagang siksikan. Kami, kung halimbawang titimbangin ‘yung health protocols na makakahawa kami o magkakahawa-hawa ‘yung aming mga tagasubaybay and between, you know, getting our message across more effectively doon na kami sa hindi nakakahawa,” dagdag pa nito.
Ayon sa tambalang Lacson-Sotto, handa silang gumawa ng iba pang paraan para maipaabot ang kanilang mensahe sa mga botante nang hindi nanganganib ang kanilang kalusugan at makadagdag pa sa problema sa COVID-19 pandemic.
“Mas gusto namin na sabihin man nating maliit tingnan ‘yung tao pero sinadya namin ‘yon dahil gusto namin maprotektahan ‘yung kalusugan [ng nakakarami]. Kung sa pagiging stand out, I think, doon kami mag-stand out,” anila. “‘Yung disiplina hindi mawawala sa amin ‘yon. ‘Yan din ang gusto namin, kasama sa programa namin sa gobyerno ‘yan e, gawing—madisiplina ulit ang gobyerno… And, of course, [‘yon ay kung] ang pag-uusapan ‘yung physical aspect, pero [kung] ang pag-uusapan natin ‘yung laman, I think our programs and our platforms ay ini-eksplika namin,” pahayag naman ni Sotto.
