Legacy ni PRRD itutuloy nina Sara Duterte at Marcos

Arrival of Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte at the Provincial Capitol of Cagayan. Cagayan Gov. Manuel Mamba welcomed her and UniTeam senatorial candidate Harry Roque.

Ni NOEL ABUEL

Nangako si Lakas-CMD vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte na itutuloy nito ang legacy ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamumuno nito sa bansa.

Ito ang ipinarating ni Sara Duterte sa harap ng mga political leaders mula sa lalawigan ng Isabela at Cagayan kung saan gagawin aniya nito ang lahat para maiahon sa kahirapan ang mga Filipino.

Nagpasalamat ang vice presidential bet kasama si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na nasa ilalim ng  UniTeam sa suportang ipinangako nina Cagayan Gov. Manuel Mamba, Isabela Gov. Rodolfo “Rodito” Albano III, Isabela Vice Gov. Faustino “Bodjie” Dy III, Isabela Rep. Tonypet Albano  at iba pang political leaders sa nasabing mga probinsya sa darating na May 2022 national elections.

“Ulitin ko po ang aming pagpapasalamat. Si Pangulong Duterte po matatapos na po ang termino niya sa June at gusto niya pong malaman ninyong lahat na nasa puso po niya ang pagpapasalamat sa bawat Pilipino,” ani Duterte.

“Ang amin pong pamilya ay mayroon pong malaking utang na loob sa inyong lahat, sa pagmamahal at suporta na ibinibigay ninyo sa amin. Ang bayad po ng pamilya namin ay ako at ang aking pangako na gagawin ko ang lahat sa aking trabaho para sa mapayapang pamumuhay dito sa ating bansa,” dagdag pa ni Mayor Duterte, na tumatayong Lakas-CMD chairperson.

Bagama’t sinabi aniya ni Mamba na hindi lahat ng Cagayanos ay bumoto pabor kay Pangulong Duterte noong 2016,  ngunit nang maupo ito sa Malacañang ay ipinakita naman ang suporta sa pamamahala  nito.

“Tulad po ng nasabi ni Governor Mamba… hindi lahat ay bumoto at tumulong kay Pangulong Duterte, pero nu’ng nakita ninyo na siya na ang pangulo, ibinigay kaagad ninyo ang suporta, malakas at mainit ninyong suporta sa kanyang administration,” ayon pa kay Duterte.

Kabilang umano na itutuloy ng Uniteam ang mga ginawa ni Pangulong Dutete ang kampanya laban sa illegal drugs at ang “Build, Build, Build” project.

“Nabanggit po ni Governor Mamba, itutuloy po natin ang ‘Build, Build, build’ program na magbibigay sa atin ng magandang kinabukasan at itutuloy po natin ang pagsugpo sa iligal na droga na sumisira naman sa ating kinabukasan,” pagtatapos ni Duterte.

Leave a comment