Mas maigting na pagsugpo sa human trafficking malapit nang maisabatas

Senador Sherwin Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Kumpiyansa si Senador Win Gatchalian na magiging batas na ang niratipikan ng Senado at Kamara sa bicameral conference committee report ang panukalang mas magpapatatag sa batas laban sa human trafficking

 Ayon sa senador, maituturing na malaking tagumpay sa pagtataguyod ng karapatan at kaligtasan ng mga kabataang Pilipino ang nasabing panukala. 

Aniya, niresolba ng bicam report ang mga pagkakaiba ng Senate Bill No. 2449 at House Bill No. 10658, na ngayon ay pinamagatan nang Expanded Anti-Trafficking In Persons Act of 2022.

Sa ilalim ng panukalang batas, paiigtingin ang kakayahan ng mga law enforcement agents na habulin ang mga human traffickers na naglipana na rin maging sa mga online platform.  

Nakasaad pa sa panukalang batas, ang mga internet intermediaries, kabilang ang mga social media networks, at financial intermediaries ay maaaring managot kung hahayaang magamit ang kanilang mga plataporma para sa trafficking.

Gayundin, nakasaad sa panukala ang dagdag na proteksyon para sa mga biktima ng trafficking, kabilang ang mga biktima na nasa ibang bansa.

Binigyang diin ni Gatchalian na ang mga kabataan ang higit na nasa panganib sa mga krimeng may kinalaman sa trafficking.

Ayon sa 2021 Trafficking in Persons Report ng United States Department of State para sa bansang Pilipinas, karamihan sa nasa 73 mga traffickers na nahatulan sa ilalim ng mga batas laban sa trafficking ay nambiktima ng mga kabataan.

Dalawampu’t lima (25) sa kanila ay nang-abuso ng mga kabataan gamit ang internet.

Iniulat din ng Department of Justice (DOJ) na noong 2021, nakatanggap ito ng 2.8 milyong mga ulat ng online sexual exploitation of children (OSEC), mahigit doble sa mahigit 1.3 milyong naitala para sa taong 2020.

Ayon din sa annual report ng DOJ Office of Cybercrime (OOC), nagsagawa ito ng opisyal na imbestigasyon sa 268 mga kaso ng OSEC, mas mataas nang halos apat na beses sa 73 kasong naimbestigahan noong 2020.

“Ang ating mga kabataan ang humaharap sa pinakamatinding panganib pagdating sa human trafficking at nakita natin ang lalong pagtaas ng panganib simula nang tumama ang pandemya. Kaya naman napapapanahon nang paigtingin natin ang ating mga batas upang masugpo natin nang tuluyan ang mga krimeng ito at maitaguyod natin ang kaligtasan ng mga kabataang Pilipino,” ani Gatchalian.

Pinasalamatan din ni Gatchalian ang nag-sponsor ng panukalang batas na si Senador Risa Hontiveros, Chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Leave a comment