SRA hinamon ni Senador Imee Marcos

Ilabas ang “Sweetheart deal” sa imported na asukal

Ni NOEL ABUEL

Hinamon ni Senador Imee Marcos ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na ilantad ang “sweetheart deal” nito sa mga malalaking industriyang gumagamit ng pino at primera klaseng mga asukal.

Ito ang sinabi ni Marcos, makaraang mabuko isang araw matapos ang palugit ng SRA sa mga aplikasyon ng importasyon, na nakasungkit ang mga pangunahing manufacturer ng softdrinks at iba pang processor ng ‘sugared products’ ng libu-libong metriko tonelada (MT) ng asukal at ginamit pa na pangpronta ang mga ‘trader’ para makaangkat ng mas malaking supply.

“Bakit ba adik sa importasyon ang SRA? Ano ba ang mahiwagang pangako ng mga manufacturer ng ‘sugared products’ na nagawa nitong masungkit ang matamis na ‘Oo’ ng SRA? tanong ni Marcos.

Katwiran ng SRA, malaki ang pinsalang idinulot ng bagyong Odette sa industriya ng asukal noong Disyembre kung kaya’t marapat lang na umangkat ng 200,000 metriko-toneladang asukal.

Ngunit ibunuking naman ng mga sugar farmers kay Marcos na isa lang umano ang sugar mill o gilingan ng asukal ang nagsara dahil sa bagyo at lahat naman ng sugar mills sa buong bansa ay gumagana pa rin.

Kinumpirma rin ng United Sugar Producers Federation (UNIFED) sa Negros, kung saan nakabase ang 13 sa 27 sugar mills sa bansa, na isang linggo lang naman nagsara dahil sa baha ang Southern Negros Development Corporation Mill sa Kabankalan, Negros Occidental.

Sa harap nito, nagbabala si Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, na ang maliliit na sugar farmers na bumubuo sa 85% ng sugar industry ay posibleng hindi na makapagtanim pa sa susunod na ‘crop season’ na magsisimula sa Setyembre ngayon taon.

Ito’y kapag ibinaba ng mga imported na asukal ang ‘farmgate prices’ o bentahang presyo ng mga sugar farmers, dagdag pa ang mataas na halaga ng fertilizer at gasolina.

“Para makasalba sa kanilang sitwasyon, maraming maliliit na sugar farmers ang bumigay na sa mga ‘usurero’ o nagsanla ng mga lupain habang ang iba’y nagtanim na lang ng mga kamote imbes na tubo,” banggit pa ni Marcos.

“Ang mas dapat madaliin ay ang importasyon ng fertilizer. Pero dapat masiguro na para lang ito sa ’emergency use’ at dapat itong gawin ng gobyerno-sa-gobyerno,” diin ni Marcos.

Dagdag pa ni Marcos, dapat ikonsidera ng pamahalaan na agad magpatupad ng ‘price freeze’ o tigil-taas sa presyo ng fertilizer, ibaba ang dami ng mga inaangkat na asukal, o mag-iskedyul ng pautay-utay na pagde-deliver na hindi kasabay ng milling season, habang pinoproseso pa ang paggawa ng mga lokal na abono para sa pangmatagalang programa para rito.

Leave a comment