2 wanted na Koreans arestado ng BI

NI NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang South Koreans na wanted sa bansa nito dahil sa telecom fraud.

Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Jaime Morente kay  fugitive search unit (FSU) acting chief Rendel Ryan Sy, nakilala ang mga nadakip na dayuhan na sina Kim Youngsoo, 38-anyos, at Choi Youngsoo, 38-anyos.

Nabatid na naaresto ang nasabing mga dayuhan noong Pebrero 14 ng mga operatiba ng FSU sa Bgy. Baudago, Angeles City sa bisa ng warrant of deportation na inilabas ni Morente matapos na humingi ng tulong ang South Korean authorities para madakip ang mga ito.

Base sa record ng BI, dumating sa bansa ang naturang mga dayuhan noong Disyembre 13, 2015 bilang temporary visitors at mula noong ay nagtago hanggang tuluyang maging overstaying aliens.

Sa impormasyon ng national central bureau (NCB) ng Interpol sa Manila, natuklasan na sina Kim at Choi ay may arrest warrants na inilabas ng Busan district court sa South Korea dahil sa pagsasabwatan sa voice phishing operation mula Bangkok, Thailand noong Marso hanggang Hunyo 2015 kung saan nabiktima ng mga ito ang kailang mga kababayan.

Sinasabing nagawang ma-hacked ng mga suspek ang computers ng mga biktima at kinuha ang mga personal information ng mga ito at nagkunwang mga bank officers para matangay ang mahigit sa 196.5 million won o katumbas ng US$164,000.

Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang nasabing mga dayuhan habang inihahanda ang deportation order laban sa mga ito.

Leave a comment