DOLE sa ILO: Pag-atake sa karapatan ng manggagawa at unyon tuloy

DOLE Sec. Silvestre Bello III

NI NERIO AGUAS

Siniguro ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa International Labour Organization (ILO) na umuusad na ang kaso at ang imbestigasyon hinggil sa mga naiulat na paglabag sa mga karapatan ng unyon ng manggagawa.

Ito ay matapos mabanggit ng ILO ang ulat  tungkol sa “mga bagong alegasyon ng karahasan at pananakot”  laban sa mga manggagawa.

Ayon sa DOLE, may mga administratibong mekanismo at legal na pamamaraan na sumusubaybay at tumutugon sa mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa at ng mga unyon.

“Ang mga ulat o alegasyon ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ay tinutugunan ng national at regional tripartite monitoring body (RTMB) ng DOLE. Tumutulong sila upang tiyakin ang ganap at mabilis na imbestigasyon at pagresolba sa mga diumano’y pagpatay, pananakot, at pagdukot sa mga lider at miyembro ng unyon sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng mga kinatawan ng manggagawa at employer sa pagsubaybay sa mga kaso,” pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Sinabi ni Bello na hindi bababa sa 60 ng kasong extra-judicial killing at tangkang pagpatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ang nasa ilalim ng masusing pagbabantay ng mga itinalagang tagasubaybay. 

“Sa bilang na ito, 20 ang nakabinbin sa korte, at ang iba ay nasa ilalim ng regular criminal investigation,” dagdag ng labor chief.

Nanawagan ang kalihim sa mga unyon at manggagawa na iulat ang mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa RTMB, na bagama’t wala itong kapangyarihang mag-imbestiga, ay makakatulong pa rin ito upang tiyakin ang ganap at mabilis na pagresolba sa mga umano’y pagpatay, pananakot, at pagdukot sa mga lider at miyembro ng unyon.

Hinikayat din ng kalihim ang mga lider ng unyon at mga manggagawa na magsampa ng kaukulang reklamo laban sa mga nag-‘red tag’ sa kanila, kung saan  kanyang sinabi na ito ay maaaring maparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at iba pang mga batas, gaya ang Writ of Habeas Corpus, ang Writ of Amparo, at ang Writ of Habeas Data, na nagtatakda o gawing krimen ang anumang pag-uusig na politikal ang batayan laban sa kinikilalang grupo.

Aniya, may mga legal at institutional mechanism na pumoprotekta sa mga karapatang konstitusyonal ay sibil ng mga manggagawa. Bilang halimbawa na epektibo ang mekanismong ito, binanggit niya ang isang kaso kung saan ang Regional Trial Court sa Baguio City ay naglabas ng petisyon para sa Writ of Amparo at naglabas ng kautusan kung saan pinagbabawalan ang mga pulis na gumawa ng social media post at maglagay ng tarpaulin na pinararatangan ang apat na aktibistang estudyante bilang “communists-terrorists.”

Leave a comment