Kapag naging batas ang SIM card registration law

Ni NOEL ABUEL
Bilang na ang araw ng tinatawag na “dugo-dugo” o “budol-budol” sa oras na maging batas na pagpaparehistro ng subscriber identification module (SIM) card.
“Matutuldukan na sa wakas at maagap nang malulutas ng mga awtoridad ang mga kriminal sa likod ng ganitong klaseng modus kapag naging batas na ang SIM card registration,” ani Senador Win Gatchalian na nagsulong sa panukalang SIM Card Registration Act na naghihintay na lang ng pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap nang batas.
Makaraan ang halos dalawang linggo matapos pagtibayin ng Senado at Kamara ang nasabing panukalang batas na naglalayong puksain ang mga krimen gamit ang mga hindi rehistradong SIM card, isang 14-anyos ang nabiktima ng “dugo-dugo” gang at nanakaw ang halos P10 milyong halaga ng pera at alahas ng kanyang mga magulang.
Ayon sa senador, mahihirapan nang maisagawa ang mga ganitong klaseng krimen kapag naging batas na ang pagpaparehistro ng lahat ng SIM subscribers, kabilang ang mga may active services, dahil kailangang magrehistro sa kani-kanilang public telecommunications entity (PTE) sa loob ng isang taon ang mga gumagamit ng SIM card.
Mapipilitan ang mga PTEs na i-deactivate o i-retiro ang numero ng SIM card kung hindi ito nakarehistro sa loob ng itinakdang panahon ng batas.
Mahaharap sa pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na taon o multang aabot sa P200,000 ang mga mapapatunayang nameke ng kanilang pagkakakilanlan para magparehistro ng SIM card.
“Ang mga ganitong uri ng kriminal na aktibidad ay mapipigilan na natin. Bagama’t ang ating mga batas ay nagbibigay ng pantay na access sa komunikasyon, ang ganitong uri ng kalayaan ay maaaring bawiin kung ang paggamit ng naturang teknolohiya ay kinakasangkapan upang makagawa ng mga karumal-dumal na krimen,” sabi ni Gatchalian.
