Kahit bumaba ang COVID-19 cases: Health protocols sundin pa rin – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEl

Nanawagan ang isang senador na sa kabila ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi dapat na magpabaya ang taumbayan at sumunod pa rin sa health protocols.

Ito ang sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go kung san umaasa itong magpapatuloy sa pakikipagtulungan ang taumbayan sa pamahalaan para tuluyan nang malusaw ang virus.

“Kung ma-rerelax natin ang mga restrictions at ibang protocols, inaasahan natin na mas maraming sektor ng ekonomiya ang mabubuksan. Mas marami sa ating mga kababayan ang makakapaghanapbuhay at makakabalik sa kanilang mga trabaho muli. Ibig sabihin, mas maraming pamilya ang makabangon mula sa hirap na dulot ng pandemya,” sabi ni Go.

“Subalit dahan-dahan nating gawin ito. Maingat nating balansehin ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino. Huwag nating biglaing buksan lahat at mahihirapan na naman ang ating healthcare system. Ayaw nating mag-back to zero tayo,” babala pa nito.

Nabatid na noong Pebrero 15, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2,010 bagong kaso at ngayong Pebrero 16 ay tumaas naman ito ng nasa 600 baong kaso.

 “Bagama’t hindi pa naman natin sinasabi na ito ay downward trend na, nakikita naman natin ang magagandang resulta ng halos dalawang taon nating sakripisyo habang nakikipaglaban sa pandemya,” ayon pa kay Go.

“Umaasa ako na patuloy pang bababa ang mga kaso ng COVID-19 kung mas marami pang kababayan natin ang mababakunahan,” dagdag nito.

Samantala, sinabi ni Go na natutuwa ito sa inilabas ng Social Weather Stations survey noong Valentine’s Day na halos kalahati ng mga Filipino ang mas pinili ang maayos na kalusugan sa halip na pera.

“Patunay ito na sa panahon ngayon, mas binibigyang-halaga na talaga natin ang ating kalusugan kumpara sa ibang bagay. Ito siguro ang positibong resulta ng COVID-19 pandemic dahil naging conscious na tayo kung paano mapapanatiling ligtas ang ating sarili sa iba’t ibang sakit, at maging ang ating mga pamilya at komunidad,” aniya.

Leave a comment