Mag-ingat sa mga pekeng gamot kontra COVID-19

Senatorial aspirant Dr. Minguita Padilla

NI NOEL ABUEL

Pinag-iingat ni Partido Reporma senatorial candidate Dr. Minguita Padilla ang publiko laban sa mga pekeng bersyon ng gamot kontra coronavirus, gaya ng ‘molnupiravir,’ na ibinebenta ng mga mapagsamantalang negosyante.

 Kasabay nito, ipinanawagan sa gobyerno ni Padilla na gawing abot-kaya ang presyo ng nasabing gamot para madaling mabili.

                “Ang gobyerno ay dapat maglagay ng limitasyon sa presyo ng molnupiravir at turuan ang publiko tungkol sa wastong paggamit nito upang mabawasan ang tukso sa mga tao na bumili ng mga pekeng bersyon sa mga sari-sari store,” ayon kay Dr. Padilla.

 Ang pahayag nito ay kasunod ng mga ulat tungkol sa pagsawata ng Food and Drugs Administration (FDA) sa mga pekeng gamot laban sa COVID-19 na nakalusot sa ilang mga tindahan.

 Pinaalalahanan ni Dr. Padilla ang publiko na umiwas sa mga pekeng produkto dahil mapanganib ito sa kanilang kalusugan.

 Ayon kay Dr. Padilla, hindi maaaring magbenta ng ‘molnupiravir’ o ano mang uri ng gamot ang isang drug store sa mga mamimili na walang reseta mula sa doktor at hindi rin lahat ng pasyente ay maaaring resetahan nito, lalo kung sila ay mga nabakunahan na at wala namang iba pang iniindang mga sakit.

 Karaniwang iminumungkahi ang pag-inom ng ‘molnupiravir’ sa unang limang araw ng sintomas matapos ma-diagnose ang isang pasyente na may COVID-19 at kung siya ay may iba pang karamdaman o immunocompromised gaya ng mga sumasailalim sa chemotherapy, may diabetes o human immunodeficiency virus (HIV).

“Ang mga may banayad na sintomas, ganap na nabakunahan, at walang ano mang comorbidities ay hindi kailangang uminom ng molnupiravir. Ang lahat ng mga gamot, gaano man kahusay at epektibo ay pwedeng magdulot ng side effect na ‘di kanais-nais. Kaya dapat itong ireseta ng isang doktor,” payo ni Dr. Padilla.

 Samantala, napag-alaman ni Dr. Padilla na sa kasalukuyan ay ibinebenta ang 40 tabletas ng molnupiravir mula P6,000 hanggang P13,000 sa ilang mga ospital, depende kung saan merong stock ng mga ito.

Ayon sa doktora, masyado umano itong mahal dahil ang isang tableta ay nagkakahalaga lamang ng P100.00 hanggang P150.00 kung kaya’t papalo lamang dapat ito ng mula P4,000 hanggang P6,000 kada bote ng tig-40 tabletas.

Leave a comment