
Ni NOEL ABUEL
Nakatakdang igawad ng Philippine Military Academy Alumni Association, Inc. (PMAAAI) ang ‘Lifetime Achievement Award’ kay Partido Reporma chairman at standard-bearer Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson bilang pagkilala sa kanyang mahigit 50-taon ng natatanging kontribusyon sa pamahalaan at serbisyo publiko.
Nabatid na nakakaisa ang mga miyembro ng PMAAAI at Board of Directors para ibigay kay Lacson ang nasabing parangal dahil sa pagiging modelo at walang dungis na serbisyo para sa bayan na salamin ng kanyang karakter ng pagkakaroon ng katapangan, katapatan, at integridad.
Sa isang liham noong Disyembre 15, 2021 mula kay Cavalier Amado T. Espina, Jr., chairman at chief executive officer ng PMAAAI, sinabi nitong nabuo ni Lacson ang kanyang reputasyon nang walang kasiraan at nararapat na gawing huwaran.
Ayon kay Espina, nagdala rin ng karangalan hindi lamang kay Lacson, ngunit maging sa kanyang pamilya at sa buong PMA at alumni organization nito.
Nakatakda ang seremonya ng parangal ngayong araw ng Sabado (Pebrero 19) kasabay ng taunang Alumni Homecoming at Parade ng PMA sa Borromeo Field, Fort General Gregorio del Pilar, Baguio City sa Benguet.
Nabanggit na ni Lacson ang pagtanggap nito ng ‘Lifetime Achievement Award’ sa isang presidential interview noong nakaraang buwan sa ABS-CBN News Channel, kung saan tinanggihan niyang sagutin ang isang tanong na magbibigay ng masamang imahe sa kanyang katunggaling kandidato at sa halip ay nagpokus na lamang siya sa kanyang malinis na track record.
“Tumatakbo ako (sa pagkapangulo) kasi ‘yung pinaghatian namin between us more than 80 years in public service—executive [and] legislative—kaming dalawa ni Senate President,” sabi ni Lacson, na tinutukoy ang kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.
“Ako, 50 years, tatanggap nga ako ng Lifetime Achievement Award sa PMA sa February. Ang tingin ko, parang tama na ‘yung na-i-contribute ko sa ating society. Pero, look, sayang naman siguro ‘yung experience ko [at] ‘yung track record ko,” ayon sa presidential candidate.
Inaasahan ng dalawang batikang public servant ang 82 taon ng pinagsama nilang karanasan sa serbisyo publiko, 42 taon dito ay ginugol nila sa Senado, habang ang iba ay pagganap sa iba’t ibang tungkulin sa ilalim ng ehekutibong sangay ng pamahalaan.
Noong 2020, tumanggap na si Lacson ng Cavalier Award for Public Administration mula sa PMAAAI. Ibinigay sa kanya ang nasabing parangal dahil sa mahigpit niyang paglaban sa korapsyon bilang senador sa pamamagitan ng paglikha ng mga batas na nakapokus sa pagsusulong ng klaro at responsableng paggastos sa pamahalaan.
Inanunsyo rin ni Lacson na isasabay niya sa kanyang pagbisita sa Baguio City ang pagpunta sa iba’t ibang mga lugar dito para ipakilala sa mga residente ang kanyang mga plataporma hinggil sa paglaban sa katiwalian at adbokasiya ng mabuting pamamahala.
Plano rin niya at running mate niyang si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na magtungo sa mga kalapit na probinsya ng Pangasinan at Nueva Ecija bago bumalik sa Maynila.
Nagbigay-lakas kay Lacson ang pagkilala ng kanyang mga tagasuporta sa Baguio City sa mga naging kontribusyon niya sa pamahalaan. Dito niya kinukuha ang inspirasyon para ipagpatuloy ang kanyang isinusulong na “Aayusin ang Gobyerno at Uubusin ang Magnanakaw.”
